December 12, 2025

Home BALITA National

‘Mas marunong at mas maagap na ang bagong Pilipino:’ PBBM, nagbigay ng ‘tips’ hinggil sa disaster preparedness

‘Mas marunong at mas maagap na ang bagong Pilipino:’ PBBM, nagbigay ng ‘tips’ hinggil sa disaster preparedness
Photo courtesy: Bongbong Marcos/YT


Nagbahagi si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ilang tips patungkol sa disaster preparedness ng bansa, kaugnay ng sunod-sunod na sakuna at kalamidad na naganap sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

Ibinahagi ni PBBM sa kaniyang YouTube vlog na “BBMVLOG” nitong Linggo, Oktubre 19, ang mga naging pahayag niya ukol dito.

“‎Nitong mga nakaraang linggo ay sunod-sunod ang mga lindol na tumama sa ating bansa—mula sa Cebu, Baguio, Surigao, Davao, Zambales, Metro Manila. Napakarami ang pinsalang natamo ng ating mga kababayan. ‎Napakalaki ang naging damage dahil ang lindol, ang sinisira, ay ang mga gusali, ang mga tahanan. Kaya't iba naman ang aming pagresponde,” ani PBBM.

‎“‎Dahil ang Pilipinas ay nasa Pacific Ring of Fire na tinatawag, kung kaya't very prone tayo sa mga ganitong sakuna at kalamidad, lindol man, o pagsasabog ng bulkan, kailangan nating lalo pang paigtingin ang ating disaster preparedness and response,” dagdag pa niya.

‎Nagbigay din siya ng ilang paalala na aniya’y magliligtas sa mga Pilipino kung sakaling tumama ulit ang mga nasabing sakuna.

‎“‎Unang-una, magplano. Magkaroon ng plano at alam ng bawat miyembro ng pamilya kung ano 'yong plano na 'yon, pati na 'yong mga kasambahay. Saan ang evacuation area, saan tayo tatakbo, saan ang meeting place kapag lumindol, saan pa pupunta, saan tayo magkikita-kita. Para pati 'yong nasa labas ng bahay, 'pag ka nilindol, alam nila kung saan tatakbo, makita ang kanilang pamilya. ‎Siguruhin na isa itong safe na lugar. Turuan ang mga bata kung ano ang dapat gawin nila kapag may lindol,” aniya.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng Go Bag sa gitna ng mga sakuna.

‎“‎Ang pangalawa, maghanda po kayo ng Go Bag. Ano nga ba 'yong Go Bag? Ano bang nasa loob ng Go Bag? Mga importanteng dokumento, papeles, at pag-aari, na hindi talaga natin puwedeng maiwan. Ilagay din dito ang mga basic survival items tulad ng mga pagkain, delata, biskwit, tubig, first aid kit, napakahalaga. Mga gamot, ayan pa, emergency hygiene kit, flashlight po, pito, lighter, at iba pa,” anang Pangulo.

‎“‎Maaari rin itong lagyan ng rugged phone o kaya mga radyo. At mas mainam, kung makakapaglagay din ng emergency cash sa inyong Go Bag. 'Pag kailangang tatakbo, nakahanda na 'yan, 'di na kayo maghahanap, mangongolekta ng inyong mga gamit, nandiyan na lahat ng mga importante, basta't kukunin ninyo sabay alis, para hindi na kayo ma-delay doon sa loob ng isang building o sa loob ng inyong bahay,” dagdag pa niya. “‎Ngayon, nakikita natin, mga LGU natin ay may kaniya-kaniyang proyekto para magbuo ng Go Bag. Sundan n'yo po 'yon, nandoon po lahat ang pangangailangan natin sa emergency.”

Pinaalalahanan niya rin ang lahat na maging maingat sa mga impormasyong nakakalap kung saan-saan, sapagkat aniya’y mahalaga ito upang maging ligtas sa oras ng mga kalamidad.

‎“‎Isa pang mahalaga ay ang tamang impormasyon. Importante na may tamang impormasyon kayo sa mga ganitong panahon. Alamin ninyo ang abiso ng LGU. Makinig sa ating mga awtoridad: barangay official, munisipyo, coastguard, pulis, first responders, at iba pa. ‎Alamin din ang mga importanteng numero na kailangan ninyong malaman, emergency numbers kung saan puwede sumaklolo. ‎Ipaskil n'yo ito sa inyong bahay, sa kuwarto man, o sa refrigerator, kung saan man,” ani PBBM.

‎”At siyempre, makinig sa balita. Radyo, TV, o social media. Mayroon lang akong pag-iingat: pag-ingatan ninyo 'yong fake news. ‎Noong nangyari sa Davao at saka sa Cebu, mayroong dumating na mga fake news. Naniwala ang mga kawawang biktima, at sila, sa kakatakbo, sa kakatago, sa kakapunta sa ibang lugar, marami pa ring nasaktan. Ang pakinggan lang po ninyo, ay ang mga balita na nanggaling sa mga official website ng mga ahensya ng government—local government man o sa national government, sa pulis, sa billbox, sa PAGASA, doon po kayo makinig. Huwag po kayong makinig sa hindi n'yo nalalaman kung saan galing na balita o na impormasyon,” saad pa niya.

Ibinida rin niya ang paghahandang ginagawa ng pamahalaan hinggil sa mga sakunang kinahaharap ng bansa.

“‎Sa amin naman sa pamahalaan, patuloy din ang maagap na paghahanda. Sa DSWD, at kahit mga local government unit at ating mga food pack, mga Go Bag, ready na po 'yan, naka-deploy na sa ating mga warehouse. ‎Ang communication at information drive ng ahensya ng pamahalaan ay pinaigting na rin para may mas kaalaman ang ating mga kababayan,” anang Pangulo.

‎“‎Ang mga polisiya natin sa pagpapatayo ng mga gusali ay kailangang sundin at isagawa nang buong katapatan—bahay man 'yan, tulay, building, o kahit anong imprastraktura. Kailangang sumunod. May mga nakatakda tayong safety standards mula sa pagsusuri ng lupa, hanggang integridad ng mga itatayong istraktura,” saad pa ni PBBM.

‎“‎Ang kaligtasan ng bawat Pamilyang Pilipino ang nakasalalay dito. Higit sa pagbangon o pagresponde, mas mahalaga ang maging handa. Likas sa ating bansa ang mga sakunang ito, kung kaya't kailangan na likas din sa atin ang mga paalalang aking nabanggit. 'Di lang tumutugon sa sakuna, natututo sa mga aral ng bawat sakuna. Mas marunong at mas maagap na ang bagong Pilipino. Mag-iingat po tayong lahat,” pagtatapos niya.

Matatandaang kamakailan lamang ay bumwelta si Vice President Sara Duterte hinggil sa umano’y paraan ng pagtatrabaho ni PBBM.

“Diyos ko! Akala mo ba ‘yong Presidente natin nagtatrabaho? Hindi nagtatanong ‘yan at all. I swear to the [Philippine] flag, si BBM, hindi siya nagtatanong ng trabaho at all. Kaya napansin n’yo ba, walang direksyon ‘yong governance at walang direksyon ‘yong iba’t ibang departamento, bakit? Kasi he doesn’t command, he doesn’t ask, he doesn’t say that ‘look there’s a Philippine development plan and what are you supposed to do about this?’” ani VP Sara.

MAKI-BALITA: ‘He doesn’t command, he doesn't ask!' VP Sara, binanatan kung paano magtrabaho si PBBM-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA