Patay ang limang miyembro ng isang pamilya matapos mabagsakan ng puno ng buri ang kanilang bahay habang natutulog sa kasagsagan ng bagyong “Ramil” sa Barangay Cawayanin, Pitogo, Quezon, nitong umaga ng Linggo, Oktubre 19.
Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Alberto Anoche Bueno, 66; Jean Andrea Bueno Peña, 35; Alvin del Mundo Peña, 35; Nazareth Eussef Bueno Peña, 11; at Noeh Isaiah Bueno Peña, limang-buwang gulang. Sina Nazareth at Noeh ay mga anak nina Jean at Alvin, habang ama naman ni Jean si Alberto.
Batay sa imbestigasyon, mahimbing na natutulog ang pamilya sa kanilang tahanang gawa sa magagaan na materyales nang biglang tumumba ang isang malaking puno ng buri at tuluyang dumurog sa bahay.
Dead on the spot ang mga biktima, ayon sa pulisya.
Kinuha ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ang mga katawan ng mga nasawi mula sa gumuhong bahay, na tuluyan nang nawasak.
Nakaligtas naman ang panganay na anak ng mag-asawa at kasalukuyang binibigyan ng tulong ng mga awtoridad.