December 15, 2025

Home BALITA Probinsya

Higit ₱ 700k, ipinadala ng DSWD sa mga pamilyang apektado ng bagyong ‘Ramil’

Higit ₱ 700k, ipinadala ng DSWD sa mga pamilyang apektado ng bagyong ‘Ramil’
Photo courtesy: Department of Social Welfare and Development - DSWD (FB)

Agad na nagpadala ng ₱720,925 ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong “Ramil” nitong Linggo, Oktubre 19. 

Ayon sa pahayag ng DSWD sa kanilang Facebook page, 382 family food packs (FFPs) at 547 ready-to eat-food (RTEF) boxes ang bumubuo sa ₱720,925 na relief aid. 

“Nagsimula na po tayong mamigay ng paunang relief aid sa mga apektadong pamilya ng Bagyong Ramil. Kaagapay po tayo ng mga local government units (LGUs) para makapagbigay ng agarang tulong at kapanatagan sa mga apektadong pamilya, na palaging bilin ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. tuwing may sakuna,” saad ni DSWD Asst. Secretary at Spokesperson Irene Dumlao. 

Ayon pa sa pahayag ng ahensya, dahil sa malakas na pag-ulan, 3,028 na pamilya o 7,834 na indibidwal ang kasalukuyang naninirahan sa 131 evacuation sa mga rehiyong apektado ng bagyo. 

Probinsya

Pulis, namaril ng sundalo sa Zamboanga City; love triangle daw?

“Sa Bicol Region, kung saan nagkaroon ng suspension ng sea travel, agad pong nagpa-abot ang mga disaster response personnel natin ng RTEF sa mga locally stranded individuals. Mabilis rin tayong nakapamahagi dito sa Sorsogon, kung saan unang nag-landfall itong Bagyong Ramil,” pagbabahagi ng Kalihim. 

Binanggit din niya na inaasahan pa ng DSWD ang karagdagang tulong mula sa mga local government unit (LGU) dahil sa inaasahang pagtaas ng bilang ng mga pamilyang apektado ng bagyong “Ramil.”

Tiniyak ng Kalihim na mahigit-kumulang dalawang milyong FFPs ang nakahanda sa mga warehouse ng DSWD na naka-istasyon sa mga rehiyon sa bansa, at ₱ 169 milyong pondo ang naka-standby para sa mga karagdagan pang disaster response operations. 

“Bagama’t marami pong pinagkakaabalahan ang DSWD dahil na rin sa mga major earthquakes na nangyari at bagyo na sunod-sunod na nanalasa nitong nakaraan ay sapat po at tuloy-tuloy ang replenishment ng relief supplies natin and we are in solidarity with our President in ensuring that no Filipino would go hungry in times of disasters or emergencies,” pagtitiyak ni Dumlao. 

Sean Antonio/BALITA