Kamakailan, nalubog ang maraming lungsod at lalawigan sa bansa dahil sa pagsalanta ng sunod-sunod na pag-ulan dahil sa malalakas na bagyo at habagat, halos kasabay nito ang sunod-sunod na paglindol at aftershocks sa iba’t ibang rehiyon.
Isa sa mga kamakailang trahedya ay ang magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa probinsya ng Cebu noong Setyembre 30, na kumitil sa 79 na tao, at 216,947 pamilyang naapektuhan, ayon sa tala National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Biyernes, Oktubre 16.
Kasunod nito ay ang pagyanig ng doublet earthquake sa Davao Oriental noong Oktubre 10 na nagdulot ng mahigit ₱1.258 milyong danyos sa rehiyon at 200, 914 na pamilyang apektado, ayon sa mga tala ng NDRRMC at Office of Civil Defense (OCD) noong Oktubre 14.
KAUGNAY NA BALITA: Mga namatay sa mga paglindol sa Davao Oriental, umabot na sa 9 na katao!–OCD
Dahil dito, isinaalang-alang ng Department of Health (DOH) Center for Health Development (CHD) Calabarzon at Institute of Philippine Culture - Ateneo de Manila University ang kalagayan ng mga residenteng naapektuhan matapos ang mga sakuna sa kanilang kamakailang webinar na “Access to Services: Mental Health in Catastrophes and Emergencies” na parte ng kanilang 4A Series at bilang pagdaraos ng Mental Health Month nitong buwan ng Oktubre.
Ibinahagi ni Camille Milioga, na isang registered psychometrician, wellness coach, at research associate mula sa De La Salle University, Manila, na nagiging vulnerable ang mga residente sa kasagsagan ng trahedya.
“During the disaster, whether baha, bago, lindol, we are very vulnerable in so many aspects. Hindi lang physical aspect ang usapan, there’s also ‘yong feeling na shocked, nawala bigla ang sense of safety and security. And it’s normal for a person to feel a mix of negative emotions, all at once,” aniya.
Kaya matapos ito, ang pangunahing layunin ng mga residente ay ang kanilang recovery, dahil bukod sa pagkain, tubig, at damit, isa pa sa isipin ng mga apektadong residente ay isang ligtas na lugar na kanilang matutulugan.
Dahil dito, ang Mental Health at Psychosocial Support (MHPSS) ay inaabisong maipaabot sa unang 24 hanggang 72 na oras matapos ang trahedya.
Gayunpaman, binanggit din ni Milioga na kadalasan, hindi nais ng mga residente na ipakita ang kanilang vulnerability sa mga volunteer o ahensya na nagpapaabot-tulong sa kanila.
“For someone who survived a disaster, gusto nila maka-recover, gusto nilang mag-gain ng sense of normalcy ulit. They don’t want to feel na others see them as weak, especially ‘yong mga magulang at elders sa community,” aniya.
Kaya payo ni Milioga para sa mga taong gustong mag-volunteer na maging sensitibo sa mga ganitong sitwasyon at irespeto ang mga residente kung pauunlakan ang kanilang ibibigay na tulong o suporta.
Sa lecture naman ni AJ Sunglao na Chairperson ng Mental Health and Psychosocial Services (MHPSS) Special Interest Group sa Psychological Association of the Philippines (PAP), ipinaliwanag naman niya ano ang mga nangyayari sa komunidad matapos ang trahedya.
“Oftentimes, when we do PFA or when we do post-disaster work, parating expectation ay, ‘pagkatapos ng PFA natin, okay na sila,’ but the reality is, depending on the disaster, its impact, the severity of it on the people, the recovery might be varied,” saad ni Sunglao.
Ipinaliwanag din niya na matapos ang sakuna, karamihan ng mga residente ay hindi na gustong bumalik sa kanilang lugar dahil sa alaala ng trahedya.
“Not everyone wanted to stay there. A lot of people still have memories, traumas, [and] flashbacks, of what happened. At the same time, people also felt fear,” paliwanag niya.
“Madalas nakakalimutan natin ‘to, na ‘yong mga tao, matapos ma-deploy ang ating NGO workers, mga humanitarian at government workers, at relief fund drives, these people are left to figure it out on their own,” dagdag pa niya.
Isa pa sa mga nabanggit niya na kadalasan, ang mga residenteng ito ay walang access sa mga mental healthcare na kanilang kailangan.
“Needless to say, these people did not have access to a lot of mental healthcare. Yes, may nagchi-check in sa kanila from a nearby university, but at the same time, it’s not always gonna be available nor would it be enough,” aniya.
Dahil dito, bukod sa pagtataas ng awareness o kalinangan, naniniwala si Sunglao na kailangan ng accessible na healthcare sa mga komunidad.
“If you’re building awareness without access, kasi alam na ng mga tao pinagdadaanan nila, pero wala silang paraan para matulungan ang sarili nila. This is something worth really thinking about,” aniya pa.
Ayon pa sa kaniya, dahil patuloy ang pagbangon ng maraming komunidad mula sa mga sakuna, ang usaping ito ay nananatiling “open conversation.”
Sa pagtatapos ng kaniyang lecture, binigyang-diin ni Sunglao ang pakikipagkapwa o “community mental health” sa mga komunidad para matulungan ang bawat isa rito na makabangon mula sa trahedya.
Sa kasalukuyan, ang MHPSS, ay tumutulong na mag-train ng mga residente sa ilang lugar para makapagbigay nang naaayon na mental health support sa kanilang komunidad.
“Kahit sino ka, basta naiintindihan mo ang lengguwahe ng mental health, maaari tayong magkaroon ng kapasidad na matutunan kung paano magbigay ng suporta sa isa’t isa,” saad niya.
Sa pagtatapos ng kaniyang lecture, nanawagan si Sunglao na mas paigtingin ang suporta mula sa loob ng komunidad.
“Kailangan natin tandaan na hindi natatapos ang trabaho ng isang MHPSS sa oras ng krisis. Para matulungan talaga ang komunidad, kailangan natin isipin na long-term ito. Dahil kung hindi, sila’y [mga residente] mag-iisa. We can’t be there all the time. Mahalaga na makakuha ng suporta ang mental health professionals sa loob ng mga komunidad,” panawagan niya.
Sean Antonio/BALITA