Naglabas ng pahayag si dating Ilocos Sur governor Luis "Chavit" Singson kaugnay sa mungkahi niya sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na imbestigahan ang mga umano’y flood-control projects sa Ilocos Norte.
Ayon sa videong inilabas ni Chavit sa kaniyang Facebook nitong Sabado, Oktubre 18, 2025, sinabi niyang paniniwalaan niya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kung mapapa-imbestigahan niya ang mga nabanggit na proyekto sa Ilocos Norte.
“Siya ang lider, siya ang Presidente. Para paniwalaan natin [siya], unahin natin ang Ilocos Norte na imbestigahan para mabilis[...]” saad niya.
“Sinabi ko na, ‘ICI ‘wag ka na kayong lumayo, sa Ilocos Norte, tingnan n’yo lang dahil may balita na ako na ghost projects at saka masama ‘yong pagkagawa [ng] mga project nila roon sa flood-control,’ nagagalit sila,” pagkukuwento pa niya.
Pagpapatuloy ni Chavit, kinuwestiyon niya rin ang hindi pagbanggit ng mga projects sa Ilocos Norte maging sa Senado.
“Sa Senado, lumabas na ba ang Ilocos Norte? Wala po. Wala pang lumalabas up to now. Kaya napilitan na ako dahil ako ang binabanatan nila, this is all diversionary tactic,” ani Chavit.
Ibinahagi ni Chavit na nagpadala na siya ng mga tao sa Ilocos Norte at marami raw silang natuklasan.
“So nagpadala na ako ng madaming tao sa Ilocos Norte, marami po silang nakita,” ‘ika niya, “isa lang. Irereserba ko ‘yong mga iba, ipapakita ko lang kung anong klaseng flood-control mayroon sila sa Parparoroc, Vintar[...].”
Paglilinaw pa ni Chavit, dapat daw paimbestigahan din ng Pangulo ang nasabing lugar upang magkaroon siya ng “kredibilidad.”
“Para magkaroon ng kredibilidad ang Presidente na magbintang sa ibang tao. Sa ngayon, nag-aaway na ang mga senador, congressmen [sa] iba-ibang issue,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang naipanawagan na rin ito ni Chavit noong Setyembre 19, 2025, kung saang sinabi niyang ang mga Discaya umano ang kontraktor sa mga flood-control projects na mayroon ang Ilocos Norte.
MAKI-BALITA: Singson sa pag-iimbestiga ng ICI sa flood control projects: 'Unahin ninyo muna ang Ilocos Norte'
"Ang mga kontraktor nila sa Ilocos Norte mga Discaya rin eh. Paano tayo maniniwala ngayon sa pinagsasabi nilang mga iniimbestiga. Ang mga kontraktor nila maraming kompanya," pagsisiwalat noon ni Chavit.
MAKI-BALITA: Chavit, handang magpakulong sakaling patawan ng sedisyon
Mc Vincent Mirabuna/Balita