January 04, 2026

Home FEATURES Trending

‘Sinasakop ng Encantadia?’ ALAMIN: Ano ang mga light pillar na nakita sa Bantayan Island, Cebu?

‘Sinasakop ng Encantadia?’ ALAMIN: Ano ang mga light pillar na nakita sa Bantayan Island, Cebu?
Photo courtesy: Edison Gee Rosell (FB)

Agaw-pansin ang paglabas ng mga light pillar sa kalangitan sa Bantayan Island, Cebu, gabi ng Biyernes, Oktubre 17. 

Ayon sa Facebook post ng netizen na si Edison Gee Rossell, ang mga nasabing light pillar ay saktong nakuhaan sa Brgy. Kangwayan, Madridejos, pero nakikita rin sa buong Bantayan Island. 

Bukod sa ganda at kakaibang itsura ng mga pillar sa kalangitan, hindi naiwasang itanong at ibahagi ng ilang netizen ang posibleng pakahulugan ng mga lumitaw na light pillar.

“Nanu nalat ayhan sini [a]ng pasabot,” (Ano kaya ang kahulugan nito?)

Trending

'Mas marami pa akong maletang ipapadala!' Geodetic engineer couple, sinorpresa ni 'Zaldy Co' sa kasal

“Naa napud nay pasabot huhu.. Lord [J]esus ipalayo intaowon sa mga katalagman ang amuang nasud,” (May kahulugan na naman huhu.. Panginoong Hesus, ilayo mo po sana sa mga sakuna ang aming bansa). 

Dahil dito, ano ba ang light pillars at ang paniniwala sa likod nito?

Kilala rin sa Tausug bilang “lansuk-lansuk,” o “kandela-kandela” sa Chavano, na parehas na nagsasalin sa salitang “kandila,” ang light pillars ay pinaniniwalaan ng ilang Pinoy na isang pangitain bago mangyari ang isang sakuna, habang sa iba ay tagapagdala ng swerte. 

Sa mitolohiyang Pilipino, ang light pillars ay konektado sa Santelmo o St. Elmo’s fire, na pinaniniwalaang espiritung-ligaw na nasa anyo ng isang bolang apoy, na nagpapakita sa mga lalawigan. 

Ayon pa sa ilan, ito ay espiritu ng isang tao na namatay sa isang ilog o dagat, o kaya nama’y namayapa habang umuulan, o maging ang mga batang namatay bago sila mabinyagan. 

Ang mga espiritu na ito ay pinaniniwalaang naiwan sa lupa at naghahanap ng kapayapaan at dasal para makapunta sa langit. 

Ayon sa EarthSky.org, dahil sa kakaibang itsura ng light pillars sa kalangitan, kadalasan rin itong nagpagkakamalan rin na Unidentified Flying Object (UFO) o kaya nama’y tinatawag rin ng ilan bilang “alien lights.” 

Gayunpaman, pinabulaanan ng siyensiya ang mga paniniwalang ito. 

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang light pillars ay nabubuo kapag ang ice crystals sa kalangitan ay nire-reflect ang ilaw ng buwan. 

Sa dagdag na pag-aaral ng National Geographic, ang light pillars ay kadalasang nakikita sa mga lugar na mayroong malalamig na klima dahil ito ay isang optical illusion na nabubuo sa malamig na hangin dala ng winter air. 

Kung saan, milyon-milyong flat ice crystals ang bumabagsak sa lupa, at kapag tumama ang ilaw sa mga crystal na ito, bumubuo ito ng isang imahe na mukhang mahabang stick. 

Dahil dito, isang “rare phenomenon” na maikokonsidera ang sighting ng light pillar sa Pilipinas dahil sa tropikal na klima rito. 

Sean Antonio/BALITA