December 14, 2025

Home BALITA

Retired AFP general, pumalag sa planong tanggalin pensyon ng mga retiradong militar na umano’y sangkot sa ‘fake news’

Retired AFP general, pumalag sa planong tanggalin pensyon ng mga retiradong militar na umano’y sangkot sa ‘fake news’
Photo courtesy: Romeo V Poquiz/FB, Contributed photo

Inalmahan ni retired two-star general Romeo Poquiz ang umano’y plano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tanggalan ng pensyon ang mga retiradong militar na nauugnay umano sa pagpapakalat ng fake news at nag-uudyok ng sedisyon.

Sa pamamagitan ng Facebook post nitong Sabado, Oktubre 18, 2025, iginiit ni Poquiz na ang military pensyon ay inaani at karapatan ng bawat retiradong militar na nagbigay ng serbisyo at hindi maaring basta-basta putulin o tanggalin.

“A military pension is an earned and vested right, not a privilege that can be withdrawn at will,” saad ni Poquiz.

Depensa pa niya, maaari lamang daw tanggalin ang pensyon ng mga militar kapag naugnay sila sa krimen at “disloyalty.”

DPWH sa Senado: 'Restore the deducted amounts from the projects in the 2026'

“Under the law, it may only be cancelled or suspended upon final conviction of a crime involving moral turpitude and disloyalty — not on mere allegations or administrative whims,” ani Poquiz.

Tinawag din niyang “grave distortion” ng batas at hustisya ang pagsasapubliko ng AFP ng kaniyang pensyon bilang retired two-star general.

Aniya, “The AFP’s public disclosure that my pension, as a retired two-star general, may be cancelled for alleged “sedition” and “fake news” is a grave distortion of both law and justice.”

Matatandaang nitong Sabado rin nang ihayag ng AFP ang naturang plano laban sa mga retiradong militar lung saan iginiit nilang mayroon umano silang mino-monitor na two-star general na pumepensyon ng ₱160k kada buwan.

Saad pa ni Philippine Navy Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, “Pag tumatanggap ka ng pension sa gobyerno, it follows na dapat may pananagutan ka sa tinatanggap mo so ito ay kasama sa pinag-aaralan ng legal officers ng AFP.”

Iginiit din ni Trinidad na pilit umanong binabago ng ilang retiradong militar ang katotohanan na nahahaluan daw ng fake news.

“Ang problema ngayon pati mga retired, pilit binabago ang katotohanan. Hahaluhan ng mali, fake news para guluhin ang kaisipan ng kasundaluhan. Kung ang problema ay corruption, ang sagot doon ay higpitan ang project management, hindi umaklas ang militar,” giit ni Trinidad.

Samantala, nilinaw naman ni Poquiz na ang nasabing plano ng AFP hindi raw niya nakikitang banta, ngunit isang paala umano sa mga kasalukuyan pang aktibo sa serbisyo.

Giit ni Poquiz, “This move is actually not a threat to me personally — it is a warning to those still in active service, as more and more soldiers express concern and sympathy for the growing public protests against massive corruption in government.”