Maituturing na nahuhuli pa rin ang Pilipinas pagdating sa pension system batay sa bagong ulat ng 2025 Global Pension Index ng Mercer CFA Institute.
Ayon sa tala ng Mercer CFA Institute sa kanilang 2025 Global Pension Index, makakikitang ikatlo sa huli ang puwesto ng Pilipinas sa kabuuang 52 na bilang ng mga bansang pinag-aralan nila.
Photo courtesy: Mercer (Website)
Kasama ng Pilipinas sa huling hanay ang mga bansang Turkey, Argentina, at India na kapuwa nakakuha ng “D” grade sa Global Pension Index, na nangangahulugang may matuturing na mayroong “desirable features” ng pension system ngunit maroon ding malaking kahinaan na dapat maresolba.
“A system that has some desirable features but also has major weaknesses and/or omissions that need to be addressed; without these improvements, its efficacy and sustainability are in doubt,” anang Mercer Institute.
Kung pagkukumparahin ang mga gradong nakuha ng Pilipinas sa nakaraang taon at ngayon, makikitang tumaas naman ang overall index score ng bansa mula 45.8 noong 2024 patungo sa 47.1 ngayong 2025.
Samantala, nakapagtala ng 40.6 sa adequacy, 64.4 sa sustainability, at 33.2 naman sa integrity na grado sa Global Pension Index ang Pilipinas.
Photo courtesy: Mercer (Website)
Kung susumahin, malayong malayo ang grado ng Pilipinas sa nangunguna ngayong bansa na Netherlands kung saan nakapagtala sila ng 85.4 na overall index, 86.1 sa adequacy, 83.5 sa sustainability, at 86.8 sa integrity sa Global Pension Index ngayong taon.
Sumunod naman sa Netherlands ang Iceland, Denmark, Singapore, at Israel bilang mga bansang may maunlad na pension system sa buong mundo.
Ang Mercer CFA Institute Global Pension Index ang nagtatala ng retirement income systems sa 52 bilang ng mga bansa sa buong mundo.
Mc Vincent Mirabuna/Balita