December 13, 2025

Home FEATURES Usapang Negosyo

Mula sa ₱100 na puhunan, tsinelas business ng isang lolo at lola, kilala na sa buong bansa!

Mula sa ₱100 na puhunan, tsinelas business ng isang lolo at lola, kilala na sa buong bansa!
Photo courtesy: Onie Footwear

Mula sa panimulang-puhunan na ₱100 noong dekada ‘80, ikinuwento ni Lolo Onnie at Lola Chie Barreto ang sikreto sa pagtatagal at pagyabong ng kanilang “comfortable and trendy” na tsinelas business.

Sa kanilang panayam sa DTI Asenso Pilipino noong Biyernes, Oktubre 17, ibinahagi ng mag-asawa na bago sila sumubok sa mundo ng pagnenegosyo, naging factory worker sila sa isang electronics company. 

Nang ikasal sila at ipanganak na ang kanilang panganay, dito na nila naisipan magtayo ng isang negosyo. 

“Noong kami’y naging mag-asawa na, nagkaroon na kami ng anak na panganay, doon po pumasok sa isip namin na magkaroon ng extra income. Una, nagtinda lang kami ng tsinelas at kami [ay] umaangkat lang sa mga gawaan o sa tindahan, pero nakita ko po ‘yong paggawa, sinasabi ko sa sarili ko, ‘ay kong gawin ‘tong tsinelas na ito,” saad ni Lolo Onie. 

Usapang Negosyo

'Ayaw manahin ng mga anak,' Chocolate Lover Inc., magsasara na matapos ang higit 3 dekada

“Hinanap ko na sa Marikina ‘yong bilihan ng mga materyales. Then tuwing Sabado [at] Linggo, gumagawa ako [ng tsinelas]. ‘Yong po ang aking free time,” dagdag pa niya. 

Dekada ‘80s nang sinimulan ng mag-asawa ang kanilang tsinelas business, sa puhunan na ₱100. 

“Benchingko [25 sentimo] lang benta ko noon per pair. Ganoong pa lang presyo ng mga panahon na ‘yon, 1980s. ‘87 or ‘89. Ang pinakapuhunan ko noon sa materyales, natatandaan ko ₱100 hanggang ₱500 lang noong panahon na ‘yon, at sumasakay lang ako sa jeep, namamasahero para makabili ng materyales,” pagbabalik-tanaw ni Lolo Onie. 

Noong mga panahon ding iyon, ibinibenta niya sa mga katrabaho, kaibigan, at kaibigan ang mga nagagawang tsinelas. 

Nang lumakas-lakas na ang kanilang tsinelas business, nagtayo na ng puwesto ang mag-asawa, at dito na mas nadagdagan ang kanilang customers. 

Mula sa halos 1,000 na pares kada linggo na kanilang nagagawa, pumalo sa halos 3,000 pares ang kanilang nagagawang tsinelas kada linggo nang pumasok sila sa online selling sa tulong na rin ng kanilang manugang, at kalauna’y nakilala bilang “Pambansang Lolo at Lola ng TikTok.” 

Bagama’t malaki na ang kanilang kita, ibinahagi ng mag-asawa na mas pabor sa kanila ang tamang kita lamang dahil mas mahalaga raw sa kanila ang customer satisfaction. 

“Kawawa naman ‘yong bumibili. At least, satisfied sila sa price, satisfied sila sa quality non’g product,” saad naman ni Lola Chie. 

Sa tyaga at mga sakripisyo nilang mag-asawa, malaki raw ang naitulong ng kanilang tsinelas business na “Onie Footwear” para unti-unting makaangat sa buhay. 

“Ang mga tsinelas po na ‘yan ang nakapagpaaral sa aking apat na anak. Sila po ay nakapagtapos ng college nang dahil sa tsinelas,” saad ni Lolo Onie. 

Sa patuloy na paglago ng “Onie Footwear,” ibinahagi ni Lolo Onie na kung papalarin sa hinaharap, hinahangad din nila na magkaroon ng puwesto sa mga mall. 

“May future plan po, sana magkaroon, sana kung papalarin, kung kakayanin ng budget,” aniya. 

Bukod pa sa negosyo, pinagtibay rin daw ng mga tsinelas ang pagsasama nilang mag-asawa. 

Nang tanungin naman ang kanilang sikreto sa tagumpay at pagkita ng pera, ibinahagi ng mag-asawa na importante ang sakripisyo at pagsusumikap. 

“Ang negosyo po, nagsisimula rin talaga sa maliit. Kapag iyong pinagsumikapan, at talagang interesado ka sa iyong ginagawa, tingin ko talagang aasenso [ka],” payo ni Lolo Onie. 

“Sakripisyo, sikap, at tyaga, tsaka pasensya. Kailangan din mahalin mo ‘yong ginagawa mo para may kasamang pagmamahal kahit pagbebenta mo, mahal mo ‘yong binebentahan mo. Kahit maliit lang ‘yong tubo, importante, masaya ‘yong nakabili,” payo naman ni Lola Chie. 

Sean Antonio/BALITA