January 04, 2026

Home BALITA Probinsya

'Dinayo na sa bahay?' Umano’y LTO enforcers sa Palawan, nanita ng ilang motorista sa kabahayan

'Dinayo na sa bahay?' Umano’y LTO enforcers sa Palawan, nanita ng ilang motorista sa kabahayan
Photo courtesy: Contributed photo

Ilang mga tauhan umano ng Land Transportation Office (LTO) Palawan ang umano’y nanita ng mga motorista habang nasa kani-kanilang mga bakuran sa Puerto Princesa.

Sa nagkalat na video sa Facebook, mapapanood ang tila magkakahalong reaksiyon ng mga may-ari ng motor na nakaparada sa harapan ng kanilang bahay dahil sa biglaan umanong pagpunta ng LTO enforcers sa kanilang lugar.

Nangyari umano ang insidente noong Biyernes, Oktubre 17, 2025, kung saan mapapanood sa nasabing video ang ilang mga kalalakihang kinuwestiyon ang akmang pag-i-issue sa kanila ng ticket.

“Paano n’yo po nakita na may violation ako?” tanong ng unang lalaki sa video.

Probinsya

Toy gun lang? Lady driver na nagpakita ng baril, nanakot lang daw ng namamalimos

“Naka-park lang kami dito sa bahay, paano n’yo makikilala kung kaninong motor ‘yang tinitiketan n’yo?” tanong pa ng ibang lalaki.

Isang boses din ang narinig mula sa video na ipapatawag na lamang daw sa opisina ang mga may-ari ng motor ngunit kailangan daw nilang isulat ang mga plaka nito.

Samantala, ayon sa mga ulat, nagsimula ang insidente matapos magsagawa ng checkpoint ang LTO sa may unahan ng highway. 

Ilang motorista umano ang nagtangkang umiwas at pumarada sa loob ng kanilang lugar. Makikita raw mula sa highway ang mga motorsiklo kaya agad itong pinuntahan ng mga tauhan ng LTO. 

Nagulat umano ang residente nang simulan ng isang enforcer ang paglista ng mga plate number ng mga nakaparadang motorsiklo, bagaman walang inilabas na tiket o citation.

Wala pang inilalabas na pahayag ang LTO Palawan.