December 18, 2025

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Top 2 ng Naval Architects Licensure Exam, 'di makapaniwala sa rank, bakit?

#BalitaExclusives: Top 2 ng Naval Architects Licensure Exam, 'di makapaniwala sa rank, bakit?
Photo courtesy: Jufil John Ramos (FB)

Sa likod ng bawat tagumpay ay isang kuwento ng panalangin, pagsisikap, at pananampalataya. 

Para kay Jufil John Avenido Ramos, 24 taong gulang mula sa San Jose, Talibon, Bohol, hindi naging madali ang paglalakbay patungo sa pagiging topnotcher ng October 2025 Naval Architecture and Marine Engineering Board Examination.

Si Jufil ay nagtapos ng Bachelor of Science in Naval Architecture and Marine Engineering sa University of Cebu – Maritime Education and Training Center (UC-METC).

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Jufil, bata pa lamang siya ay mahilig na siyang tumingin sa mga plano at disenyo ng barko tuwing sasakay siya rito. Para sa kanya, ang bawat guhit at linya sa mga planong iyon ay parang mga obra maestra. Doon nagsimula ang pangarap niyang maging naval architect—ang bumubuo at nagdidisenyo ng mga barko.

Human-Interest

Boss, nabanas! Office worker na pumapasok nang maaga, sinibak sa trabaho

Ngunit gaya ng karamihan sa mga estudyante, hindi naging madali ang daan ni Jufil.

“During college, my family really struggled financially, especially during the COVID pandemic,” aniya.

Dagdag pa niya, nahirapan din siya dahil sa mahinang internet connection sa kanilang lugar kaya’t bumaba ang kanyang mga marka at nawala ang kanyang academic scholarship. Alam niyang hindi na siya makakakuha ng Latin honors, pero hindi siya nawalan ng pag-asa.

“Ang naisip ko na lang noon ay magsipag nalang sa pag-aaral para makatapos ng college at hindi masayang yung pagpapaaral ng mga magulang ko. Sa board exam na lang ako babawi,” kuwento niya.

At totoo nga—bumawi siya.

Sa kaniyang paghahanda para sa licensure exam, naging sistematiko at disiplina ang kaniyang gabay. Gumagawa siya ng sariling formula, nag-iimbento ng mga mnemonics para madali niyang maalala ang mga equation, at ginagamit ang Pomodoro technique upang hindi siya ma-burnout. Ngunit higit sa lahat, hindi nawawala sa kanyang araw-araw na gawain ang pagbabasa ng Bibliya at taimtim na panalangin.

Sa gitna ng review, nakatagpo siya ng mentor—ang kaniyang tiyuhin na isa ring Naval Architect—na tumulong sa kaniyang mas maunawaan ang mga komplikadong tanong na hindi kayang sagutin ng mga libro o internet. Dahil dito, naging consistent siyang rank no. 1 sa mga pre-board exams ng kanilang review center.

Ngunit dumating ang mismong araw ng board exam—at doon siya matinding nasubok.

“Yung mga items na siguradong-sigurado ako sa sagot lang ang nasagot ko sa Math & ESAS kasi naubusan na ako ng oras para sagutan ang natitirang items,” ani Jufil.

Hindi na niya nagawang hulaan ang ibang tanong, kaya akala niya’y tuluyan nang nawala ang tsansang maging topnotcher.

“Pakiramdam ko noong first day ay malabo nang mangyari ‘yon. Pero salamat sa Diyos, kahit nagdoubt ako sa sarili ko, hindi Niya ako pinabayaan.”

At nang lumabas ang resulta—isang himala ang bumungad.

Habang nasa eroplano pabalik ng Cebu, nalaman ni Jufil mula sa isa ring pasahero na kasama niyang kumuha ng exam, na hindi lang siya pumasa—topnotcher pa siya.

“Hindi ako makapaniwala. Paglipad ng eroplano, tahimik akong nagdasal at nagpasalamat sa Panginoon sa napakalaking biyaya,” masayang pagbabalik-tanaw niya.

Ngayon, bilang isang freelance naval architect, plano ni Jufil na agad magtrabaho upang matulungan ang kanyang pamilya—lalo na sa pag-aaral ng kanyang nakababatang kapatid. Nais din niyang magbahagi ng kaalaman sa mga susunod na henerasyon ng mga Naval Architects sa bansa.

Para sa mga susunod na kukuha ng board exam, malinaw ang payo ni Jufil:

“Always make it a habit to pray constantly to the Lord and always ask for His help, guidance, and blessings because He is the one who holds and controls what will happen in your future."

"Laging tandaan na nasa kamay Niya ang outcome ng preparation at effort niyo para sa board exam, kaya magtiwala kayo lagi sa Kaniya."

"Don’t forget to rest/take a break during your reviews para maiwasan ang burnout. Just embrace and enjoy the process because it becomes easier to digest concepts when you like/love what you’re doing. If I was able to do it, mas kaya niyo rin!”

Sa dulo ng lahat, pinatunayan ni Jufil Ramos na hindi kailangang masagot lahat ng tanong para magtagumpay—dahil kung ang puso ay puno ng pananalig, pagsisikap, at sikhay, kahit kulang sa sagot, buo pa rin ang laban. Congratulations!