December 13, 2025

Home BALITA National

'Baka ma-impeach agad ako!' sey ni Torre sa posibleng pagtakbong VP sa 2028

'Baka ma-impeach agad ako!' sey ni Torre sa posibleng pagtakbong VP sa 2028

Sinagot ni dating Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III ang mga umiikot na usap-usapan na may posibilidad siyang tumakbo bilang Pangalawang Pangulo sa national elections na magaganap sa 2028.

Sa panayam kay Torre sa programang "Sa Totoo Lang" ng OnePH, idinaan na lamang sa biro ni Torre ang tanong kung uubra nga bang tumakbo siya at pumalit sa puwesto ng kasalukuyang si Vice President Sara Duterte.

Aniya, bilang PNP chief nga raw ay nagtagal lamang siya ng 85 araw, paano pa kaya kung nag-VP siya at baka ma-impeach daw siya agad.

“It’s an honor, thank you very much for considering me. Pero parang hindi ko kakayanin dahil, chief PNP nga lang, 85 days lang ako tanggal agad eh. So baka naman ‘pag nag-VP ako, eh 'di na-impeach kaagad ako 84 days lang o 83 days lang,” hirit ni Torre.

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Hindi rin aniya siya sigurado kung handa na ba ulit siyang humawak ng isang mataas na posisyon sa pamahalaan.

"I’m not very sure if I’m really ready to again hold sensitive position,” pahayag niya.

Nagawa pang magbiro ni Torre tungkol sa pagka-relieve sa kaniya sa puwesto bilang hepe ng pulisya, “Hindi ako sanay sa walang ginagawa pero it’s really a big relief, nang ma-relieve ay na-relief."

Matatandaang noong Agosto 26, tuluyang sinibak sa puwesto si Torre, batay sa inilabas na memorandum ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

KAUGNAY NA BALITA: Torre, sinibak sa puwesto bilang PNP Chief

Si Torre ay nagsilbi bilang hepe ng pulisya sa lalawigan ng Samar, Quezon City, at Davao region. Sa huling posisyon, pinamunuan niya ang operasyon ng pulisya upang ipatupad ang arrest warrant laban kay Pastor Apollo Quiboloy, tagapagtatag at pinuno ng Kingdom of Jesus Christ church, na kinasuhan ng human trafficking at iba pa.

Tumagal ng 16 na araw ang pag-aresto bago nasukol ang nabanggit na dating senatorial candidate. Dahil dito, muntikan pa siyang madeklarang "persona non grata" sa lungsod.

Noong Marso 2025, bilang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), inaresto ni Torre si dating Pangulong Rodrigo Duterte batay sa arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) para sa umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan.

Noong Hulyo, naging kontrobersiyal si Torre matapos ang naunsyaming bakbakan sana nila sa boxing ring ni Davao City Acting Mayor Sebastian "Baste" Duterte, matapos niyang kasahan ang hamong suntukan nito.

Itinanghal na "winner by default" si Torre matapos na hindi sumipot si Duterte sa kanilang laban noong Linggo, Hulyo 27.

Pinalitan si Torre ni Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. bilang bagong PNP chief noon ding Agosto 26.

KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Si P/Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., bagong PNP Chief