Kinomendahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga ahensya at grupong nagbigay-tulong sa Cebu sa kaniyang pag-iikot sa probinsya nitong Biyernes, Oktubre 17.
“We are back here. Binalikan namin ‘yong ospital, ‘yong dalawang tent city, para inspeksyunin kung na-deliver na natin ‘yong mga pangangailangan ng mga naging biktima noong nakaraang lindol,” pagbabahagi ni PBBM sa kaniyang muling pagbisita sa Cebu.
“Maganda naman makita na malaki ang progreso, malaki ang itinulong ng Red Cross. Nandito ang ating Chairman, the former senator Dick Gordon. Kung makikita ninyo, maraming tent dito, galing ‘yan sa Red Cross, pati ‘yong relief goods,” pagkilala niya sa Red Cross at ang pagtulong nito sa mga residente.
Nagpasalamat din ang Pangulo sa mga naging first responder, volunteer, at iba pang mga ahensya ng gobyerno, na agad rumesponde para tugunan ang mga residente matapos ang lindol.
“Ako’y nagpapasalamat sa lahat ng ating mga first responder, volunteer, pati na ‘yong agencies of government na maganda naman ang naging response,” pagkilala ni PBBM.
“Siguro hindi naman tayo mapapahiya sa tao na sabi natin, basta may pangangailangan ay nandiyan ang pamahalaan,” dagdag pa niya.
Bukod pa rito, natuwa rin ang Pangulo sa swimming pool na inilagay ng Red Cross sa probinsya para sa pagkakalibangan ng mga bata rito.
“May magandang idea [na] ginawa ang Red Cross, naglagay [sila] ng swimming pool para [mga] bata. Parang maliit lang na bagay, pero hindi eh, dahil ang mga bata, kahit papaano talagang nayanig ang isip nila dahil sa lindol, tapos nawalan ng bahay, lumipat dito,” saad ni PBBM.
“At least nakikita mo tumatawa na naman, nagsisisigaw. Malaking bagay ‘yan para sa mental health ng ating kabataan. And you can tell that Red Cross talaga sanay na sanay sa ganitong klaseng trabaho. Iniisip pa lang namin, nagawa na nila. Maraming salamat sa Red Cross,” pagkomenda pa niya sa ahensya.
Sa muling pagbisitang ito ni PBBM sa Cebu, nagsagawa siya ng inspeksyon para matiyak na natutugunan ang pangagailangan ng mga residente matapos ang trahedya ng magnitude 6.9 na lindol noong Setyembre 30.
Bukod sa mga silungan, pagkain, at pinagkukuhanan ng malinis na tubig, mayroon ding cash assistance at construction materials na ibinahagi sa probinsya ng Cebu para makabangon itong muli.
“We will keep working to make sure everybody is healthy, everybody has what they need,” pagtitiyak pa ni PBBM.
Sa kaugnay na ulat, unang bumisita sa probinsya si PBBM noong Oktubre 2, kung saan, iniutos niya ang pagbibigay ng ₱ 50 milyon sa Cebu Provincial Government, tig-₱20 milyon sa mga lungsod ng Bogo City, Sogod, at San Remigio, at tig-₱10 milyon sa mga munisipalidad ng Bantayan, Daanbantayan, Madridejos, Medellin, Santa Fe, Tabogon, at Tabuelan.
Sean Antonio/BALITA