Tila hindi kumbinsido si Kabataan Party-list Rep. Renee Co sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Sa eksklusibong panayam ng Balita nitong Biyernes, Oktubre 17, sinabi ni Co na gusto niyang pag-aralan ang dapat gawin sa ICI.
Aniya, “Pag-aralan po natin kung anong dapat gawin sa ICI. Pero para sa akin, ang pinakasinusuportahan natin ay ‘yong [...] ginagawa ng mga miyembro ng publiko.”
“Nandiyan ‘yong ginagawa ng Rappler, ng PCIJ [Philippine Center for Investigative Journalism], ng iba’t ibang mga grass roots organization na sila mismo ang nagtsetsek kung ang mga flood control projects nariyan ba; substandard o ghost ba?” wika ng kongresista.
Dagdag pa ni Co, “So ‘yon po ang dapat suportahan. Hindi ‘yong executive lang ang gagawa ng naratibo na paborable siyempre kay President [Bongbong] Marcos.”
Kaya naman marapat lang daw na panghawakan ng taumbayan ang kapangyarihan sa pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa kaliwa’t kanang katiwalian.
“Ang challenge po, panghawakan natin ang kapangyarihan. Huwag nating iiwan sa ICI, huwag nating iiwan sa mga politiko lang,” anang kongresista.
Matatandaang hindi isinasapubliko ng ICI ang mga pagdinig na ginagawa nila para imbestigahan ang isyu ng flood control projects.
Bagama’t nanawagan na ang ilang indibidwal at grupo na buksan ito sa publiko, pinanindigan pa rin ng komisyon ang nauna nilang desisyon.
Maki-Balita: ICI, nangingimi pa rin sa pagsasapubliko ng flood control probe