Matapang na isinigaw ni Kabataan Partylist Rep. Renee Co na ang tunay na terorista ay ang mga kumukuha ng pera ng taumbayan.
Ito ay kaniyang inilahad sa isinagawang walkout protest ng mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa Mendiola, nitong Biyernes, Oktubre 17.
“Anong kinabukasan ang naghihintay sa atin? Kung pumunta naman tayo ng klase, pinapakain tayo araw-araw sa ating edukasyon, pero paglabas natin, binabarat ‘yong sahod natin. Ano ang dapat gawin ng kabataan, kung ang kapwa niya kabataan, tumitindig para sa tama, ay pinapatay, ay dinadahas, sinasabihan sila na terorista, pero sino ang tunay na terorista? Hindi po ba, ang lahat ng kumukuha ng pera ng taumbayan, na dapat napupunta sa batayang serbisyong panlipunan,” ani Rep. Co.
“Ano pa ang kinuha nila sa atin? Itong 2026, ang budget po ni Marcos Jr., ₱6.7 trillion, ₱680 billion po, pork barrel pa rin, at ₱281 billion naman, presidential pork barrel,” dagdag pa niya.
“Hindi pupuwedeng masabi na escape of accountability si Marcos Jr., dahil po from 2022, hanggang ngayon, 9,000 flood control projects ang ginawa po ng mga budget na ito. Alam niyo po ba, 4,000 flood control projects ang ginawa under the unprogrammed appropriations, na ang nag-aapruba si Marcos Jr. mismo,” muling saad ni Rep. Co.
Nanindigan din ang mambabatas na hindi mali ang mag-walkout, sapagkat ito ay ginagawa naman dahil may mali sa lipunan.
“Ano ang hamon sa kabataan? Ito po ba ay magpanggap na normal lang ang ating buhay? Na as if hindi ninanakaw ang kinabukasan natin? Kaya po, maghanap tayo ng tapang sa mga salita, na hindi maling mag-walkout, nagwo-walkout tayo dahil may mali sa lipunan,” aniya.
Kinuwestiyon din niya ang mga hakbangin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at ang iba pang mga politiko, hinggil sa pagsasapubliko ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
“Itong 5,000, ang hamon sa atin ay damihin, doblehin pa, dahil hindi si Marcos Jr., OG nepo baby, na isa siyang patuloy na peak performative president. Hindi totoong alyado ng transparency and accountability. Sino ba ang totoong nakikipaglaban para sa transparency and accountability? Ang kabataan, ang student councils, ang student publications. Ngayon, ang Makabayan Bloc, ilalabas nila ang ating mga SALNs. Ginawa na ba ito ni Marcos Jr.? Ginawa na ba ito ng lahat ng politiko?” pagkuwestiyon ng mambabatas.
“Ngayon, ang Makabayan Bloc, hindi rin tumatanggap ng mga infrastructure projects. Kaya ba natin sabihin ‘yon sa ibang mga politiko? Kaya naman nananawagan tayo, lahat po ng politiko, i-let go nila ang kanilang mga hard projects. Ipatuloy ang ating accounts, patuloy na transparency, at para sa kabataan, kumilos, magpadami, tuloy-tuloy na mag-walkout,” saad pa niya.
“Walang nakakahiya sa militansya, dapat nating ipagmalaki ang militansya ng kabataan. Tuloy-tuloy tayong magparami dahil tayo ang kinabukasan, dahil tayo ang magbabago, magbibigay ng alternatibo sa lipunan,” pagtatapos pa nito.
Matatandaang ang kilos-protestang ito ay may kaugnayan din sa naganap na pagkalampag ng ilang grupo, upang panagutin ang mga umano’y korap sa lipunan, sa iba’t ibang parte ng bansa kamakailan.
KAUGNAY NA BALITA: Mga lalahok sa 'Trillion Peso March,' walang sasantuhing politiko, wala ring dapat paboran—Kiko Aquino Dee-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA