Ganap nang isang bagyo ang low pressure area (LPA) na binabantayan sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa PAGASA, Biyernes, Oktubre 17.
Sa pahayag ng PAGASA, naging tropical depression o mahinang bagyo ang LPA kaninang alas-2:00 ng madaling araw, kung kaya't pinangalanan itong "Ramil," ang ikatlong bagyo ngayong Oktubre at ika-18 ngayong 2025.
Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 45 kilometers per hour at pagbugsong 55 kilometers per hour.
Mabagal itong kumikilos pa-west northwestward.
Samantala, bagama't hindi pa ramdam ang epekto ng bagyo, itinaas na ng PAGASA sa signal no. 1 ang ilang lugar sa Luzon at Visayas.
LUZON:
Easternmost portion ng Quezon
Camarines Norte
Catanduanes
Camarines Sur
Albay
Northern at eastern portions ng Sorsogon
VISAYAS:
Eastern portion ng Samar
Inaasahang lalakas pa bilang tropical storm si "Ramil" habang binabaybay ang Philippine Sea, bukas ng umaga, Sabado, Oktubre 18.