Patay na nang natagpuan ang katawan ng lalaking tinangay umano ng buwaya sa Sitio Marabahay sa Barangay Rio Tuba sa bayan ng Bataraza, Palawan.
Ayon sa mga ulat, nagpapapahinga at pinaniniwalaang tulog ang biktima nang mangyari ang insidente.
Batay pa sa imbestigasyon, iniangkla umano ng biktima ang kaniyang bangka at saka siya natulog. Matapos ang ilang sandali, inatake na raw ito ng buwaya at saka siya tinangay.
Agad na nagsagawa ng search and rescue operations ang mga tauhan ng Coast Guard Station sa Southern Palawan katuwang ang Philippine National Police Maritime Group at ilang kawani ng barangay. Nakuha ang bangkay ng biktima sa mangrove area habang nagpapalutang-lutang ito.
Samantala, wala nang namataang buwaya ang mga awtoridad nang na-recover ang bangkay ng biktima.