Posibleng lumaki pa ang bilang ng mga isasagawang kilos-protesta kung walang kurap na masasampolan ayon kay labor leader at dating senatorial aspirant Jerome Adonis.
Sa esklusibong panayam ng Balita kay Adonis nitong Biyernes, Oktubre 17, sinabi niyang kapansin-pansing hindi pa rin namamatay ang isyu tungkol sa maanomalyang flood control projects kahit halos dalawang buwan na ang nakalilipas simula nang pumutok ito sa publiko.
“Mapapansin mo magdadalawang buwan na hindi pa namamatay ‘yong isyu. Ibig sabihin, galit na talaga ang mga Pilipino. At ‘yong galit nila, umabot na sa punto na hindi sila papayag na walang mangyari,” saad ni Adonis.
“Kaming mga manggagawa ‘pag late sa trabaho, may penalty, may kaltas sa trabaho,” pagpapatuloy niya. “E, bakit itong mga lintik na politician na ‘to? Nagnakaw nang hindi naman nila pera tapos ang sasarap pa ng buhay.”
Dagdag pa ng lider-manggagawa, “Napaka-unfair nito. At hindi dapat tayo pumayag. Tuloy lang ang laban hanggang makamit natin ‘yong accountability.”
Ayon kay Adonis, hindi umano makakaasa ang taumbayan sa mga imbestigasyong ginagawa ng Senado, Kongreso, at maging ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
“Dapat talaga ang taumbayan ‘wag tumigil sa protesta. Kasi taumbayan lang ang maggagawad ng hustisya. Ang call natin: lahat ng sangkot, managot. Ikulong sila, tanggalan ng karapatan na makatakbo sa any government positions…at isauli ‘yong kanilang mga ninakaw,” aniya.
Masusundan pa ang ikinasang protesta ngayong araw sa darating na Oktubre 21 sang-ayon sa ibinabang anunsiyo ng mga organizer ng nakaraang “Baha sa Luneta” rally noong Setyembre 21.
Ito ay para mapanatili ang public pressure at patuloy na manawagan ng pananagutan sa mga nasa likood ng katiwalian ng flood control projects.
Maki-Balita: Organizers ng 'Baha Sa Luneta,' magkakasa ulit ng kilos-protesta sa Oktubre 17 at 21