Isa ka bang empleyado na stressed at overwhelmed sa mga ginagawa mo sa trabaho? O kaya nama’y isang estudyante na naiiyak na lang sa sabay-sabay na exams, quizzes, at projects?
Hindi ka nag-iisa. Lahat ay dumaan o kasalukuyang pinagdadaanan ‘yan.
Gayunpaman, ang paghihirap sa mga bagay na pinagagawa sa’yo ng Panginoon ay maaari pa ring maituring na pribilehiyo dahil sa mga pagkakataong ito, ang ating pananampalataya ay mas pinagtitibay Niya.
“Ang kagandahang-loob ko ay sapat na para sa iyo, sapagkat lubusang nahahayag ang aking kapangyarihan kapag ikaw ay mahina.” Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo.” - 2 Corinto 12:9
Kung ikaw ay isang empleyado, tinawag ka ng Panginoon sa iyong kompanyang pinagtatrabahuhan hindi lang para kumita ng pera at matugunan ang pangangailangang-pinansyal mo at ng iyong pamilya.
Nasa tamang lugar ka para mas mapagbuti ang iyong mga kakayahan, mas makilala ang sarili mo, at maging inspirasyon sa mga katrabaho.
Kung ikaw naman ay isang estudyante, inaasahan ng Panginoon na gagawin mo ang mga project, exam, at quiz mo nang maayos para sa mas magandang hinaharap pagkatapos ng iyong edukasyon.
Kahit gaano ka nahihirapan, tandaan na hindi ka nag-iisa dahil kasama mo ang Panginoon sa araw-araw (Deuteronomio 31:8).
Tandaan mo rin na hindi ka Niya tatawagin sa isang sitwasyon o gawain na hindi mo kakayanin, dahil Siya ang gumuguhit ng ating kapalaran.
Ang kailangan nating gawin ay iluhod sa dasal ang mga bagay na nagdudulot sa atin ng bagabag at humingi ng lakas, dahil ang Panginoon ay lubos na mapagbigay at hindi Niya ipagdadamot ang Kaniyang biyaya (Kawikaan 10:22).
Kaya, wag kang susuko!
Ang paghihirap mo sa bagay na tinawag kang gawin ay para maitaas ang pangalan ng Panginoon.
Hindi mo man naiintindihan ngayon, pero kapit ka lang. Hinding-hindi ka Niya iiwan.
“Kung ano tayo ngayon ay gawa ng Diyos, at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus ay nilikha niya tayo para sa mabubuting gawa na inihanda niya noong una pa man upang gawin natin.” – Efeso 2:10
Sean Antonio/BALITA