Nilinaw ni Department of Health (DOH) Sec. Ted Herbosa na walang magaganap na lockdown sa buong bansa, kasunod ng pagkalat ng influenza-like illness (ILI).
Sa kaniyang press briefing nitong Biyernes, Oktubre 17, 2025, iginiit ni Herbosa na nasa ILI season lang daw ang bansa at walang outbreak na nagaganap.
"Let me explain, the lockdown was done during [COVID-19 pandemic]. There is no planned lockdown, that is fake news. What we have is seasonal respiratory illnesses. So, it's not a flu outbreak," anang kalihim.
Hindi rin daw kinakailangan magdeklara ng lockdown dahil ang mga sakit ng ILI ay pangkaraniwan daw tuwing tag-ulan.
"It is our ILI season... influenza-like illnesses. Marami siyang sakit... like ubo, sipon, trangkaso, and all other similar to that, that spreads very fast during the rainy season... Wala tayong outbreak from a single virus, so there is no need to declare lockdown," ani Herbosa.
Matatandaang ilang paaralan na rin sa iba’t ibang panig ng bansa ang nagkansela ng kani-kanilang face to face classes bunsod ng pagtaas ng kaso ng ILI at banta ng pagtama ng lindol sa Metro Manila.