January 05, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: 'Young at heart!' 69-anyos na lolo, nakibahagi sa kilos-protesta ng mga kabataan

#BalitaExclusives: 'Young at heart!' 69-anyos na lolo, nakibahagi sa kilos-protesta ng mga kabataan
Photo courtesy: Vincent Gutierrez/BALITA


Sa gitna ng alingawngaw ng boses ng mga kabataan, hindi naging hadlang ang edad ng isang 69-anyos na lolo, na nakibahagi sa kilos-protestang isinagawa ng mga estudyante at kabataan sa Mendiola nitong Biyernes, Oktubre 17, upang ipanawagan ang kaniyang hinaing sa korapsyon at sa ilan pang mga isyung panlipunan.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Lolo Danilo Cariño, nanindigan siyang mahalaga ang pakikibahagi sa mga kilos-protesta upang malaman ng nakatataas at ng mga tao ang nangyayari sa bansa.

“‘Yong kilos-protestang ginagawa ng kabataan natin ngayon tungkol sa korapsyon, ay para malaman ng mga matataas na tao, na panay korakot ang ginagawa nila. Panay lustay ng mga salapi ng [mga] tao,” ani Lolo Danilo.

Makatutulong din daw ito upang mapakinggan ng gobyerno ang hinaing ng taumbayan hinggil sa nagaganap na mga isyu sa bansa, at nananawagan na sana ay may makulong ukol dito.

“Maaaring makatulong ito, ang pagra-rally na ito, para mapakinggan naman ng gobyerno itong mga hinaing na ito. Sana may makulong. Alam mo kapag walang nakulong, talagang [dapat] masampolan, dapat may makulong. Dapat sa mga korap na ‘yan, mailagay sa prison,” aniya.

“Siguro, kailangang may mapakulong, makulong itong mga mandarambong na ito. Dapat makulong sila,” dagdag pa niya.

Sumama rin daw siya sa kilos-protestang ito upang makisimpatya sa kasalukuyang nangyayari sa Pilipinas.

“Siyempre, sumasama ako sa ganitong kilos-protesta para makisimpatya, ‘yong mga nangyayari sa ating bansa, lalo na babad na babad na tayo sa korapsyon, lalo na naghihirap tayo,” saad pa ni Lolo Danilo.

Matatandaang kamakailan, sa naganap na “Trillion Peso March” sa EDSA, isang 111-anyos na lola naman ang nakibahagi rin sa panawagang panagutin ang mga may kinalaman sa malawakang korapsyon sa bansa.

KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: 'We are hopeless!’ 111-anyos na lola, mag-isang sumali sa Trillion Peso March-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA