Inihahanda na ng Department of Transportation (DOTr) ang paglulunsad ng anim na 4-car trains sa MRT-3 para sa mas episyenteng serbisyo sa mga commuter.
Ayon sa Facebook page ng DOTr MRT-3, ang pilot-testing ng 4-car trains ay sinimulan na nitong Biyernes, Oktubre 17.
Layon ng inisyatibang ito na mapaigsi ang waiting time ng mga pasahero at mabawasan ang build up ng mga ito sa mga istayon tuwing 7:00 AM hanggang 9:00 AM morning peak hours.
Ang bawat 4-car train set ay may kakayahang magdala ng 1,576 na pasahero kada byahe, na may karagdagang 394 na pasahero kumpara sa regular na 3-car set.
Binanggit din ng ahensya na patuloy nilang imo-monitor ang magiging performance ng 4-car trains para matiyak na makapagbigay ng mas episyente at komportableng transportasyon sa lahat ng pasahero.
Sa kaugnay na ulat, nai-deploy ang unang 4-car Dalian train ng MRT-3 noong Agosto para makapagdala ng karagdagang 500 na pasahero tuwing 5:00 AM hanggang 7:00 AM at 7:00 PM hanggang 9:00 PM rush hours.
Sean Antonio/BALITA