December 13, 2025

Home BALITA

VP Sara, aminadong nakaranas ng 'professional crisis' bilang cabinet member ni PBBM

VP Sara, aminadong nakaranas ng 'professional crisis' bilang cabinet member ni PBBM
Photo courtesy: screengrab from OVP, RTVM

Ibinahagi ni Vice President Sara Duterte ang umano’y “professional crisis” na naranasan niya noong miyembro pa siya ng gabinete ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Sa isang media forum nitong Huwebes, Oktubre 16, 2025, iginiit niyang magkakasunod na pang-aatake lang daw ang inabot niya habang siya ay miyembro ng gabinete.

“Professional crisis (ko) yung naging Vice President ako. I was serving in the Cabinet of BBM at nagtataka ako bakit ako inaatake. Wala naman akong ginagawa (sa kanila),” ani VP Sara.

Dagdag pa niya, “Nagtatrabaho lang ako at yun ang commitment ko din sa bayan. Pero kahit nakaupo ako as Cabinet Secretary sa Department of Education, sa Office of the Vice President, ang ginagawa nila nagro-roll out ng project, inaatake ako ng administrasyon. Yun ‘yung professional crisis na pinagdaanan ko.”

Sen. Bato, masayang nakita ang apo

Paglilinaw pa niya, wala umano siyang ginawa noon laban kay PBBM at sa administrasyon. 

“It took me a while to realize my worth and value as a government official na hindi dapat ganito ang ginagawa sa akin kasi wala naman akong ginagawang masama sa administrasyon, kay BBM man o kahit kanino man,” anang Pangalawang Pangulo.

Bagama’t ilang buwan pang tumagal bilang kalihim ng Department of Education (DepEd), ipinaliwanag ni VP Sara ang kaniya raw naging desisyon na umalis mula sa nasabing posisyon.

“Medyo tumagal din ng ilang buwan bago ako nagdesisyon na hindi tama ang ginagawa sa akin, hindi tama yung ginagawa sa opisina kung saan ako nakaupo. I will not endure yung ganoon at hindi rin ako hihingi ng some sort of peace na parang huwag niyong gawin sa akin ito. Ang desisyon ko lang, aalis ako pero bahala na kayo kung anong gusto niyong gawin,” saad niya.

Matatandaang noong 2024 nang magbitiw sa kaniyang posisyon si VP Sara na nasundan nang pagputok ng umano’y anomalya ng paggamit niya ng confidential funds ng DepEd at Office of the Vice President (OVP).