Iginiit ni Ombudsman Boying Remulla na posibleng may mga pinoprotektahang indibidwal ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, kaya’t tumanggi umano ang mga ito na makipagtulungan sa Independent Commission on Infrastructure (ICI).
Sa isang interview kay Remulla sa nitong Miyerkules, Oktubre 15, 2025, sinabi niyang hindi naging bukas ang mag-asawa sa pagsisiwalat ng impormasyon.
“They were not in a tell-all mood... They wanted to spare a lot of people and just choose what they wanted to say,” ani Remulla.
Pinuna rin ni Remulla ang tila kawalang-takot umano ng mag-asawang Discaya na malinaw na pinipigilan daw maisiwalat ang katotohanan.
Aniya, "Wala pa silang nararamdamang fear. I don't see fear in their faces... Matinik saka madulas at ayaw umamin. Talagang lahat ay gagawin para malagyan ng balakid yung pagpasok mo sa katotohanan.”
Matatandaang umatras sina Discaya sa pakikipagtulungan sa ICI na nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga umano’y maanomalyang flood control projects.
"Basically, they explained that, they were thinking that when they cooperate before the ICI, they will be getting a favorable recommendation from the commission as state witness[es]," saad ni ICI Executive Director Atty. Brian Keith Hosaka sa isang press conference matapos ang ikatlo—at tila huling—pagdalo ng mga Discaya sa pagdinig ng ICI.
Sa kabila nito, sinabi ni Hosaka na patuloy pa rin ang imbestigasyon ng ICI sa mga anomalya ng flood control projects.
"Marami naman tayong mapagkukunan ng information. In fact, ang dami nang nag-tetestify, and pagdudugtong-dungtungin lahat 'yan para makuha natin lahat ng nangyari, at ma-recommend natin na ma-file-an 'tong mga taong to," saad niya.
KAUGNAY NA BALITA:Dahil hindi magiging state witnesses? Sarah, Curlee Discaya hindi na makikipag-cooperate sa ICI