Ilang sinkhole formations ang natagpuan sa ilang mga lugar sa Tabogon, Cebu na sinasabing epekto ng magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Bogo City, Cebu noong Setyembre 30.
Ibinahagi sa opisyal na Facebook page ng Municipal Government of Tabogon, Cebu ang ilang mga kuhang larawan ng sinkhole formations sa Sitio Manaybanay, Barangay Maslog, na halos kahalintulad ng isang tunnel.
Photo courtesy: Municipal Government of Tabogon, Cebu/FB
Apat na sinkhole ang inisyal na natukoy sa baybayin ng Barangay Maslog.
Makikita umano ang mga nabanggit na sinkhole tuwing high tide at low tide, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Photo courtesy: Municipal Government of Tabogon, Cebu/FB
May nakita ring sinkholes sa Purok Andres sa Barangay Canao-Canao.
Photo courtesy: Municipal Government of Tabogon, Cebu/FB
Mahigpit na ipinapayo sa mga residente at turista na iwasan muna ang paglangoy at paglapit sa mga apektadong lugar habang isinasagawa ang masusing pagsusuri at pagsisiyasat.
Maglalagay rin ang Philippine Coast Guard (PCG) ng mga buoy sa paligid ng lugar upang markahan at limitahan ang pagpasok bilang bahagi ng mga hakbang sa kaligtasan ng publiko.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagmamanman at proteksyon ng mga karatig na komunidad.
Samantala, sinabi ng lokal na pamahalaan na ipagbigay-alam agad sa kanila kung may mga makikita pang sinkholes sa iba pang bahagi ng Tabogon
"LGU Tabogon is currently monitoring possible ground movements and sinkholes in several areas," anila sa kanilang Facebook page.
"If you have observed any ground sinking or sinkholes, near your home or surroundings, please report immediately to your Barangay or MDRRMO Tabogon for inspection and safety assessment," dagdag pa.
Maaaring makipag-ugnayan sa numero ng MDRRMO Tabogon: 0917-114-0556 upang i-report ang anumang sinkholes na mamamataan.