Pinaalalahanan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon sina Curlee at Sarah Discaya kaugnay sa sinabi umano nilang hindi na sila makikipag-cooperate sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Ayon sa pinaunlakang media interview ni Dizon nitong Huwebes, Oktubre 16, 2025, hinimok niya ang mga Discaya na makipag-ugnayan sa nasabing ahensya.
“Kailangan mag-cooperate sila,” pagsisimula ni Dizon, “kung hindi sila makikipag-cooperate, pasensyahan tayo. Ganoon lang naman kasimple ‘yon.”
Pagpapatuloy pa ni Dizon, binigyan na umano ng pagkakataon na makipagtulungan ng ICI ang mga Discaya ngunit sila na rin umano ang nagsabing hindi na sila mag-i-state witness.
“Binigyan na nga sila ng pagkakataon ng ICI na makipag-cooperate, pero ngayon na hindi sila magco-cooperate, lahat ng mga kaso against them wala nang possibility na mag-state witness,” anang secretary.
“Sila na rin ang nagsabi na ayaw nilang mag-state witness,” paglilinaw pa niya.
Binigyang-diin din ni Dizon ang marami umanong kontrata ng mga Discaya mula pa noong 2016 at may nakahanda umanong kaso kaugnay sa mga ito.
“Tandaan n’yo, andaming kontrata ng mga Discaya. Libo ang kontrata nila from 2016[...] Ano ‘yan, multiple counts of grafts, malversation, multiple cases ‘yan,” saad pa niya.
Kampante naman umano si Dizon kay bagong Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla at sa nauna nang kasong isinampa ng ahensya nila laban sa mga Discaya.
“Para sa akin, kampante ako sa ating bagong Ombudsman. ‘Yong first case na ni-file ng DPWH, ‘yon ang unang-unang kaso na magpapakulong sa mga Discaya at sa lahat ng mga salarin,” pagtatapos pa niya.
Samantala, wala pa namang inilalabas na pahayag sa publiko o tugon ang mga Discaya kaugnay rito.
Matatandaang ibinahagi ni ICI Executive Director Atty. Brian Keith Hosaka sa publiko noong Miyerkules, Oktubre 15, 20225, ang anunsyong hindi na umano makikipag-ugnayan ang mag-asawang Discaya sa kanilang ahensya.
MAKI-BALITA: Dahil hindi magiging state witnesses? Sarah, Curlee Discaya hindi na makikipag-cooperate sa ICI
“Basically, they explained that, they were thinking that when they cooperate before the ICI, they will be getting a favorable recommendation from the commission as state witness[es],” saad ni Hosaka.
Dagdag pa niya, “Because of that, they [the Discayas] are now saying that they will no longer appear before the commission and cooperate.”
Mc Vincent Mirabuna/Balita