Nagbigay ng pahayag si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon kaugnay sa usap-usapan umanong “pinoprotektahan” nina Curlee at Sarah Discaya si Sen. Bong Go.
Ayon sa pinaunlakang media interview ni Dizon nitong Huwebes, Oktubre 16, 2025, sinabi niyang wala umano silang sisinuhin kagaya ng naging pahayag na noon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
“Well, you know, paulit-ulit sinasabi ng Pangulo na kahit sino ‘yan―kahit previous administration [o] administration niya―wala siyang sisinuhin [at] wala siyang sasantuhin,” pagsisimula ni Dizon.
“Lahat kailangang managot dito,” diin pa niya.
Pagpapatuloy ni Dizon, ibinahagi niyang nag-usap na umano sila ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla kaugnay sa balitang hindi na makikipagtulungan ang mga Discaya sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa flood-control anomalies.
“In fact, nag-usap na kami ni Ombudsman Remulla kagabi about this, and ngayon, we are already working to look at the documents from the previous administration,” anang secretary.
“From 2016 to 2025, ‘yon din ang mandate ng ICI. Wala tayong sisinuhin dito,” pahabol pa niya.
Tinitingnan na rin umano nila Dizon kung may totoong koneksyon ang mga Discaya sa kompanya ng tatay ni Go na CLTG Builders.
“We are looking for connections between the Discayas and CLTG corporation, ‘yon ang usapan namin ni Ombudsman [Remulla] kagabi,” saad niya.
Dagdag pa ni Dizon, “Because he was in Baguio nong nalaman niya na nagsabi dito ang mga Discaya na hindi na sila magko-cooperate, tinawagan niya ako at nag-usap kami.”
Ayon pa kay Dizon, mayroon na umano silang plano at mga gagawin para imbestigahan ang mga kontrata ng mag-asawang Discaya mula sa panahon noong nakaraang administrasyon.
“Mayroon na kaming mga plano at mayroon na kaming mga gagawin sa mga susunod na araw to look at those specifically [and] those contracts of the Discaya during the previous administration,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: Sec. Dizon sa mga Discaya: 'Pasensyahan tayo!'
MAKI-BALITA: Dahil hindi magiging state witnesses? Sarah, Curlee Discaya hindi na makikipag-cooperate sa ICI
Mc Vincent Mirabuna/Balita