December 15, 2025

Home BALITA National

PBBM, ibinida ang pagbaba ng hunger rate sa bansa dahil sa 'Walang Gutom Program'

PBBM, ibinida ang pagbaba ng hunger rate sa bansa dahil sa 'Walang Gutom Program'
Photo courtesy: Department of Social Welfare and Development - DSWD (FB)

Masayang inanunsyo ni Pangulong  Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bumaba na ang hunger rate sa bansa dahil sa tulong ng “Walang Gutom Program (WGP)” nitong Huwebes, Oktubre 16. 

“Dahil sa programang ito, bumaba na po ang mga [bilang ng mga] nagugutom sa lahat ng beneficaries natin,” saad ni PBBM sa kaniyang “Kumustahan” sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom Reducing Food Insecurity and Undernutrition with Electronic Vouchers (REFUEL) Project. 

“Noong Oktubre, noong nakaraang taon, 48.7% po ang sinasabing hunger rate [sa bansa]. Dahil sa programang ito, ang numerong ‘yan ay naging 41.5% nitong Marso ng 2025,” dagdag pa niya. 

Binanggit din ni PBBM na sa pagtatapos ng taon, mas bababa pa ang bilang ng mga nagugutom sa bansa, na kaniya raw pangarap para sa bansa. 

National

'Diretso sa health system!' Sen. JV, umalma sa ₱51.6B pondo para sa MAIFIP

“Palagay ko, pagkatapos ng taon, makikita natin, mas bababa pa [ang bilang ng mga nagugutom]. Dahan-dahan po, natutupad ang pangarap ng inyong Pangulo, na wala nang ginugutom na pamilya dito sa atin,” aniya. 

Ibinahagi rin ni PBBM na layon pang mas palawigin ng kaniyang administrasyon ang mga benepisyaryo ng WGP sa mga darating pang taon. 

“Sa susunod na taon, sa 2026, dadami na sa 600,000 ang magiging benepisyaryo ng ‘Walang Gutom Program], at siguro pagdating sa 2027, paabutin na po natin ng 750,000 na pamilya,” saad ng Pangulo. 

“Dahil ang hangarin po namin na paabutin ng isang milyon. Dahan-dahan po dahil ginagawa pa rin natin ang sistema. Dahan-dahan po, maaabot na natin lahat ng pinakamahirap na pamilya,” dagdag pa niya. 

Ang “REFUEL Project” ay inisyatibo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pakikipagtulungan sa Asian Development Bank (ADB) bilang mas pagpapalawig ng WGP sa layong matugunan ang kagutuman ng mga mamamayang Pilipino sa bansa. 

Sean Antonio/BALITA