Ipinag-utos ng Supreme Court (SC) na magpaliwanag ang ilang mga indibidwal at sangay ng pamahalaan kabilang ang Office of the President (OP) hinggil sa isyu ng ghost flood control projects na inireklamo ng ilang mga abogado at environmentalist.
Sa kopya ng dokumentong ibinahagi ng Facebook page na Batas PH nitong Huwebes, Oktubre 16, 2025, mula umano sa Supreme Court En Banc, mababasa na kabilang ang opisina ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa mga pinagpapaliwanag ng Korte.
Bukod sa OP, pinangalanan din ang iba pang sangay ng pamahalaan katulad ng Senado na kinakatawan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, dating House Speaker Martin Romualdez para sa Kamara, Department of Budget and Management (DBM), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environmental and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG) at Metro Manila Development Authority (MMDA).
Ayon sa SC, mayroon umanong 10 araw para magkomento ang mga pangalang nabanggit.
Matatadaang noong Setyembre 11 nang maghain ng petition for the issuance of a Writ of Kalikasan ang ilang mga abogado at environmentalists, kabilang si Atty. Antonio Enrile Inton Jr.
Ayon kay Inton, lahat umano ng mga petitioner na naghain ng reklamo ay pawang mga taxpayer.
“May mga substandard na mga proyekto, mga flood control project. Meron silang mga ghost project. Nakasingil na sila (gobyerno). [At] iyong pera, napaghati-hatian na,” ani Inton.
Dagdag pa niya, “All of the signatories herein-below are taxpayers, who are seeking to enjoin the entire government bureaucracy of the Philippines to redress and directly resolve the most severe environmental damage brought by changing harsh weather patterns (climate change) and human activities or development.”