Tahasang iginiit ni Sen. Bong Go na nakahanda raw siyang magpalit ng mga kamag-anak kung maaari umano, matapos siyang makaladkad sa isyu ng negosyo ng kaniyang pamilya.
Sa kaniyang press briefing nitong Huwebes, Oktubre 16, 2025, iginiit ng senador na tila hindi raw titigil na ibato sa kaniya ang nasabing isyu hangga’t hindi umano siya nakakapagpalit ng mga kamag-anak.
“Mapili ko ba yung kamag-anak ko? Kung pwede lang pumili ng kamag-anak, papalitan ko yung kamag-anak ko. Siguro po hindi titigil ito unless mapalitan ko yung kamag-anak ko. Or, kunin ng Panginoon yung kamag-anak ko yung tatay ko,” ani Go.
Paglilinaw pa niya, “Hindi po ako papayag na manghimasok sila sa trabaho ko. Ako po’y isang senador. Hindi po ako negosyante, hindi po ako kontraktor. Nagtatrabaho lang po ako para sa Pilipino.”
Ayon kay Go, ilang beses na umano siyang pinagtangkaang masampahan ng mga reklamo bunsod ng construction firm ng kaniyang pamilya.
“Hindi ko po kontrolado ang negosyo ng sinumang kamag-anak ko. Naging issue ito, 2018 bago mag-eleksyon naging isyu. Bago mag-elesyon ng 2022 hindi naman ako tumakbo naging isyu ng 2021. (Noong) 2025, kinasuhan ako 2024 saad ni Go.
Matatandaang naugnay sa nasabing isyu ang senador bunsod ng kompanya ng kaniyang amang napangalanan sa pagdinig ng Senado sa flood control probe.
Diretsahan ding itinanggi ni Go ang pagkakaugnay umano niya sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.
“Hindi ko po kilala ang mga Discaya. Wala po akong kinalaman sa kanila at wala po akong pakialam sa mga Discaya,” anang senador.
Saad pa niya, nakahanda rin daw siyang maging complainant upang makasuhan ang mga Discaya at kaniyang mga kaanak.
KAUGNAY NA BALITA: 'Wala akong pakialam sa mga Discaya!' Sen. Go, dumipensa sa pag-uugnay sa kaniya sa flood control probe