May hirit si Vice President Sara Duterte kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., dating House Speaker Martin Romualdez at dating Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co, sa pagdiriwang ng World Pandesal Day nitong Huwebes, Oktubre 16, 2025.
Sa media forum nitong Huwebes, iginiit ni VP Sara na hindi umano maaaring maging tinapay sina PBBM.
“Definitely hindi bread si Martin Romualdez at si PBBM, sino yung isa? Si Zaldy Co. Definitely hindi sila tinapay. Dahil hindi makain yung ugali nila. Hindi makain yung korapsyon nila,” anang Pangalawang Pangulo.
Nang tanungin naman ng media kung anong klaseng tinapay niya maihahambing ang kaniyang sarili, saad ni VP Sara, “Kung ako ay isang tinapay, ako ay ensaymada.” Ayon sa Bise Presidente, paborito raw kasi niya ang nasabing tinapay at doon umano siya ipinaglihi.
Matatandaang nahaharap sa mga alegasyon ng flood control projects sina Romualdez at Co hinggil sa isyu ng maanomalyang flood control projects.
Kaugnay nito, nauna nang nilinaw ng Palasyo na nakadepende na umano sa Department of Justice (DOJ) kung ikokonsiderang state witness si Romualdez habang nananatili namang nasa ibang bansa si Co sa kabila ng imbetasyon sa kaniyang dumalo sa imbestigasyon ng flood control projects ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
“Depende po sa kaniyang magiging salaysay at kung ano po ang kaniyang mailalahad. At depende na rin po ‘yan sa Department of Justice (DOJ) kung siya pa ay maituturing na isa pang state witness,” saad ni Palace Press Officer Claire Castro.
KAUGNAY NA BALITA: Pagiging state witness ni Romualdez, nakadepende sa DOJ—Palasyo