Nagbigay ng komento si Vice President Sara Duterte kaugnay sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., tungkol sa ‘politically motivated’ umanong mga ibinabatong issue sa kaniya.
“I am confident that whatever mud might be slung at the administration, that we will be able to show that these are politically motivated and do not actually have any validation in fact,” ayon sa pahayag ni PBBM sa media noong Miyerkules, Oktubre 15, 2025.
Ayon naman sa pinaunlakang news forum ni VP Sara nitong Huwebes, Oktubre 16, 2025, pinabulaanan niyang ‘politically motivated’ pa rin ang pagkukuwestiyon ng taumbayan sa Pangulo.
“Hindi na ito politically motivated, hindi naman na siya makakatakbo ulit, e,” anang Vice President, “hindi na siya politiko, presidente na siya and that ends there.”
Paggigiit pa ni VP Sara, wala umanong nakasisigurado kung madaragdagan pa ang termino ni PBBM at idiniin niyang hinahabol ng taumbayan ang Pangulo dahil umano sa “kakulangan” ng kaniyang ginagawa.
“Hindi natin alam na another kung sa 2028 or another twenty (20) years na namang mag-BBM o mag-Marcos,” saad ni VP Sara.
“Hindi na siya hinahabol ng taumbayan dahil politiko siya. Hinahabol na siya ng taumbayan dahil wala siyang ginagawa bilang Pangulo.”
“Hinahanap sa kaniya ‘yong trabaho niya bilang Pangulo,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang nauna na ring buweltahan ni VP Sara Duterte si PBBM sa naturang forum kaugnay sa “hindi” umano niya pagtatanong at pag-uutos sa kaniyang pamumuno sa Pamahalaan.
MAKI-BALITA: ‘He doesn’t command, he doesn't ask!' VP Sara, binanatan kung paano magtrabaho si PBBM
“Diyos ko! Akala mo ba ‘yong Presidente natin nagtatrabaho? Hindi nagtatanong ‘yan at all. I swear to the [Philippine] flag, si BBM, hindi siya nagtatanong ng trabaho at all,” ‘ika ni VP Sara.
“Kasi he doesn’t command, he doesn’t ask, he doesn’t say that ‘look there’s a Philippine development plan and what are you supposed to do about this?’” paliwanag pa ng Vice President.
Mc Vincent Mirabuna/Balita