Binuweltahan ni Vice President Sara Duterte si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kaugnay sa “hindi” umano niya pagtatanong at pag-uutos sa kaniyang pamumuno sa Pamahalaan.
Ayon sa pinaunlakang news forum ni VP Sara nitong Huwebes, Oktubre 16, 2025, isiniwalat niya na hindi umano “nagtatanong” si PBBM patungkol sa kaniyang trabaho bilang Pangulo.
“Diyos ko! Akala mo ba ‘yong Presidente natin nagtatrabaho? Hindi nagtatanong ‘yan at all,” pagsisimula niya, “I swear to the [Philippine] flag, si BBM, hindi siya nagtatanong ng trabaho at all.”
Kinuwestiyon din ni VP Sara ang media kung napapansan ba raw nila na “walang direksyon” ang pamumuno ni PBBM.
“Kaya napansin n’yo ba, walang direksyon ‘yong governance at walang direksyon ‘yong iba’t ibang departamento, bakit?” pagtatanong niya.
“Kasi he doesn’t command, he doesn’t ask, he doesn’t say that ‘look there’s a Philippine development plan and what are you supposed to do about this?’” paliwanag pa ng Vice President.
Iginiit din ni VP Sara na hindi raw nanggaling sa pag-uutos ni PBBM ang mga ginawa niya noong secretary pa siya sa ahensya ng Department of Education (DepEd).
“Akala n’yo ba ‘yong ginawa ko sa DepEd, galing ‘yon kay BBM? Hindi, akin ‘yon lahat. Kasi he did not give any orders at all,” anang Vice President.
“So pag-upo ko do’n, sabi ko sa mga kasamahan ko sa mga [Undersecretary] at [Assistant Secretary], ‘I think, this is our show kasi walang participation at all ang Pangulo[...]’ pagbabahagi pa niya.
Dagdag pa ni VP Sara, nagdesisyon umano siya noon na tumigil sa pagsusulong ng MATATAG Curriculum dahil patuloy raw siyang inatake ng administrasyon.
“So we created the Matatag agenda, we follow through the MATATAG Curriculum at unfortunately hindi kami natapos kasi nag-decide ako na I don’t deserve the attacks that were thrown at me by the administration,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: VP Sara, aminadong nakaranas ng 'professional crisis' bilang cabinet member ni PBBM
MAKI-BALITA: 'Hindi sila tinapay!' VP Sara, bumanat sa mga ugali nina PBBM, Romualdez, at Co
Mc Vincent Mirabuna/Balita