Nanawagan si Senate Committee on Health vice chairman Sen. Bong Go sa Department of Health (DOH) na gawing operational o nagagamit ang health facilities sa bansa at huwag maging "white elephant."
Ang "white elephant" ay isang English idiom na nangangahulugang mukhang ginastusan nang malaki, subalit impraktikal at hindi naman nagagamit nang maayos.
Ayon sa Facebook post ng senador noong Miyerkules, Oktubre 15, noon pa man hanggang sa ngayon ay binibigyang-diin na raw ni Senator Bong Go na dapat siguraduhin ng DOH na operational ang mga pinopondohan at ipinapatayong health facilities sa bansa—katulad na lamang ng Super Health Centers at iba pang hospital facilities.
Anila pa, hiniling din ng senador na siguraduhing may personnel ang bawat Super Health Center na natapos nang ipatayo upang matugunan ang medikal na pangangailangan ng ating mga kababayan lalo na pagdating sa outpatient services.
Pahayag pa ng senador, hindi dapat maging 'white elephant' ang mga proyektong ito dahil pera ito ng taumbayan. Dapat aniyang walang ghost project at masasayang na pondo pagdating sa mga pasilidad na tutugon sa medikal at pangkalusugan na pangangailangan ng bawat Pilipino.
"Kailangan natin ng mas maraming health facilities para mas maging accessible ang medical services sa ating mga kababayan," aniya.