Mahigpit na ipinagbawal ang paglapit at paglangoy sa baybayin ng Brgy. Maslog, Tabogon, Cebu dahil sa mga natagpuang sinkhole sa lugar nitong Huwebes, Oktubre 16.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), apat ang inisyal na naitalang sinkhole sa Brgy. Maslog, na makikita tuwing high tide at low tide.
Bukod pa rito, may mga natagpuan ding sinkholes sa Purok Andres sa Barangay Canao-Canao.
Sa kasalukuyan, maglalagay ng mga buoy sa paligid ng lugar ang Philippine Coast Guard (PCG) para matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Habang ang lokal na pamahalaan ng Cebu ay nakikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya para sa pagmamanman at proteksyon ng mga malalapit na komunidad dito.
KAUGNAY NA BALITA: Sinkholes, natagpuan sa ilang lugar sa Tabogon, Cebu
Dahil dito, bakit nga ba nagkakaroon ng sinkhole at bakit nagbibigay ng babala ang mga ahensya sa paglapit rito?
Ayon sa National Geographic, ang sinkhole ay butas sa lupa na nabubuo dahil sa erosion o pagkasira ng bato.
Ito ay natural na nangyayari, lalo na kung ang ang lugar ay sagana sa ulan, o kung ang bato sa ilalim ng lupa ay isang limestone, na isang uri ng bato na madaling masira dahil sa galaw ng tubig.
Ang mga sinkhole ay may iba’t ibang lalim.
Ang iba ay may lalim ng isang metro o three ft. deep, habang ang ilan naman ay umaabot sa 50 metro o 165 ft. deep.
Bakit ito nagdudulot ng pagkabahala?
Ayon pa sa pag-aaral ng International Association of Certified Home Inspectors (InterNACHI), ang sinkhole ay maaaring magdulot ng pagbuhos ng unfiltered na tubig mula sa mga batis at lawa, direkta sa aquifer systems
Dahil na rin sa paghina at pagbigay ng lupa, ang sinkhole ay nagdudulot ng pagkasira at pagbagsak ng mga imprastrukturang nakatayo o malapit rito.
Gayundin sa mga tao, na kung mahuhulog rito ay maaaring masugatan o mamatay.
Ano pa ang ibang dulot ng sinkhole?
Bukod sa natural na dahilan, mayroon ding tinatawag na “human-induced sinkholes” dahil sa mapang-abusong gamit ng lupa tulad ng water-pumping construction, septic tanks, at over-pumping malapit sa supply ng tubig.
Sean Antonio/Balita