Nagpaabot ng panawagan si Vice President Sara Duterte sa Ombudsman na imbestigahan umano ang laptop corruption scandal na nangyari noon sa ahensya ng Department of Education (DepEd). Ayon ito sa isinagawang press briefing ni VP Sara noong Martes, Oktubre 14, 2025, kung saan isiniwalat niyang may koneksyon si Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sa nasabing iskandalo.
“Kung talagang seryoso ang Ombudsman sa pag-iimbestiga, imbestigahan [din] nila ‘yong laptop corruption scandal ng Department of Education,” ani VP Sara.
“Nandoon si Zaldy Co,” pagdidiin pa niya.
Pagpapatuloy ni VP Sara, alam umano mismo niya na dawit si Co dahil sa “isinagawa” nilang imbestigasyon noon.
“Alam ko ‘yon dahil gumawa kami ng sarili naming investigation sa loob ng Department of Education noong ako ay Department of Education Secretary,” saad niya.
Dagdag pa ni VP Sara, may dumating umanong confidential funds noong iniimbestigahan ang nasabing anomalya kaugnay sa iskandalo sa DepEd.
“Medyo say na mayroong confidential funds na pumunta doon sa paghahanap ng ebidensya sa imbestigasyon na ‘yon,” ika niya.
“Sunwest ang contractor ng laptop doon sa DepEd,” pagtatapos pa ni VP Sara.
MAKI-BALITA: ‘Hanggang ngayon ayaw niyang gawin,’ VP Sara, bumuwelta kay PBBM na ituloy pagpapa-drug test
MAKI-BALITA: ''Yong destabilisasyon, nanggagaling lang naman 'yan sa administrasyon'―VP Sara
Mc Vincent Mirabuna/Balita