Parehong bumaba ang trust ratings nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Vice President Sara Duterte ayon sa survey ng Social Weather Station (SWS).
Batay sa inilabas na resulta ng SWS survey nitong Miyerkules, Oktubre 15, 2025, bumaba mula 48% noong Hunyo patungong 43% noong Hulyo hanggang Setyembre ang trust ratings ni PBBM.
Habang mula 61% noong Hunyo, bumaba rin patungong 53% noong Hulyo hanggang Setyembre ang trust ratings ni VP Sara.
Pagdating naman sa pagbibigay ng “little trust,” mas mataas ang nakuhang porsyento ni PBBM matapos siyang makakuha ng 36% kumpara sa 28% ni VP Sara para pa rin sa buwan ng Hulyo hanggang Setyembre.
Matatandaang batay sa pinakabagong survey ng Pulse Asia, pasok din si PBBM sa mga hanay ng ahensya at sektor na pinagkakatiwalaan ng taumbayan hinggil sa usapin ng korapsyon sa isyu ng maanomalyang flood control projects.
Nakakuha ng 37% mula sa nasabing survey ng Pulse Asia, kasama ng Office of the Ombudsman na may 39%, Senado (37%), Kamara (25%). Pinakamababa naman sa pinagkakatiwalaan ng taumbayan ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na may 23% at Department of Public Works and Highways (DWPH) na mayroon lamang 7%.
KAUGNAY NA BALITA: ICI, DPWH, kulelat sa survey ng mga pinagkakatiwalaan ng taumbayan sa isyu ng flood control projects—Pulse Asia
Samantala, depensa naman ng Palasyo sa nasabing poll survey, “Ang Pangulong Marcos, Jr. ay nakikita natin na tunay na nagtatrabaho at kumakalaban sa korapsyon. Walang humpay para umangat ang buhay ng bawat Pilipino sa gitna ng mga kalamidad na kinakaharap natin,” ani Palace Press Officer Claire Castro sa media.
Ayon sa SWS, isinagawa ang survey noong Setyembre 24 hanggang Setyembre 30 na nilahukan ng 1,500 katao mula edad 18 taong gulang pataas.