December 14, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Siya tuloy inaresto! Lalaking impostor ni Diwata, natunton na

Siya tuloy inaresto! Lalaking impostor ni Diwata, natunton na
Photo courtesy: Raffy Tulfo in Action (FB)

Matapos ang ilang buwang kalbaryo, natukoy na ni Deo Jarito Balbuena, o mas kilala bilang si “Diwata,” ang lalaking umano'y nagnakaw ng kaniyang pagkakakilanlan na naging sanhi ng kaniyang maling pagkakaaresto o wrongful arrest.

Matatandaang noong Oktubre 10, emosyunal na dumulog si Diwata sa programang "Raffy Tulfo in Action (RTIA)" upang ireklamo ang kasong identity theft na nagresulta sa kaniyang maling pagkakakulong. Ayon sa kaniya, nakalaya lamang siya matapos magpiyansa.

Sa Facebook post naman ng RTIA, base umano sa pahayag ni Patrolman Johary Bogabong, nahuli umano niya noong Marso ang limang lalaking nag-iinuman sa isang kalye sa Mandaluyong, na labag sa ordinansa ng lungsod.

Isa sa mga ito ang nagpakita ng TIN ID na nakapangalan kay Deo Jarito Balbuena ngunit may malabong larawan. Nang hindi na bumalik ang limang lalaki upang magbayad ng multa, isinampa ng Mandaluyong PNP ang kaso sa korte, dahilan ng pagkakaloob ng warrant of arrest laban kay Diwata.

Tsika at Intriga

'Mapapasubo?' Doris Bigornia, kakayanin 8 MMFF movies basta ka-date si Atom Araullo

Noong Oktubre 14, hindi napigilang maiyak ni Diwata nang ibalita niya kay Sen. Raffy Tulfo na natukoy na ang taong gumamit ng kaniyang pangalan, na nakilala sa pangalang "Angel." Ayon kay Diwata, dating tauhan si Angel ng kaniyang dating business partner na umano’y nang-scam din sa kaniya.

Salaysay ni Diwata, sa kasagsagan ng kasikatan ng kaniyang “Diwata Pares” sa Pasay, nilapitan umano siya ni Angel upang kunin umano ang prangkisa ng kaniyang negosyo para sa Quezon City branch. Dahil dito, ipinagkatiwala raw niya ang kaniyang TIN ID kay Angel para maasikaso ang mga dokumento.

Ngunit matapos maibigay ang ID, hindi na umano nabayaran si Diwata ng karampatang royalty at franchise fees. Bukod pa rito, may utang umano si Angel sa kaniya ng ₱350,000, na ginamit umano bilang dagdag-pondo sa konstruksyon ng nasabing branch.

Ayon pa sa post, dahil umano sa imbestigasyon ni Patrolman Bogabong at sa tulong ng mga opisyal ng barangay, natunton ang tunay na pagkakakilanlan ni Angel.

Ayon kay Bogabong, nakapagsampa na siya ng kaso laban kay Angel dahil sa pamemeke ng ID. Bukod dito, nakatakda rin umanong magsampa ng hiwalay na kaso si Diwata laban sa suspek kaugnay ng identity theft.

Sa kabila ng lahat, nagpasalamat si Diwata sa mga taong tumulong sa kaniya upang makamit ang hustisya.