Nanindigan si Vice President Sara Duterte na hindi umano siya lalapit kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., para sa legal problem na kinakaharap ngayon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa naging panayam ni VP Sara sa media nitong Miyerkules, Oktubre 15, 2025, sinabi niyang hindi umano niya kakausapin si PBBM kaugnay sa kinakaharap ngayon ni FPRRD sa International Criminal Court (ICC).
“Hindi ko kakausapin si BBM para kay dating Pangulong Duterte,” pagsisimula niya, “dahil ang sa akin, is ‘yong ginawa nila na government kidnapping ng isang Pilipino sa loob ng ating bansa.”
Pagpapatuloy ni VP Sara, wala na umanong balikan tungkol ng usapin sa pagitan niya at ni PBBM.
“There’s no going back sa ganoon[...] Trabaho niya ‘yon in a sense na inaprubahan niya na hindi niya dapat ginawa bilang isang Pangulo,” ani VP Sara.
Dagdag pa niya, problema na umano ni FPRRD at ng pamilya nila ang kinakaharap na sitwasyon ngayon ng dating Pangulo.
“Kung ano man ‘yong legal problem ni dating Pangulong Duterte ngayon ay problema na niya ‘yon at syempre ng pamilya namin dahil ama namin siya,” saad niya.
“Pero for me, to go to him and request on behalf of former President Duterte, there’s no going back sa ginawa nilang rendition,” pahabol pa ni VP Sara.
Samantala, hindi naman nagbigay ng pangalan ng bansa si VP Sara kaugnay sa “host country” na handa umanong tumanggap kay FPRRD kung naisakatuparan o maisusulong pa ang kaniyang interim release
“Hindi ko masabi kung anong country ‘yon dahil unang-una hindi siya pinapalabas ng ICC at kung magsabi man ako kung anong continent siya, baka mag-speculate ‘yong mga tao,” ika niya.
“Ang huling pag-uusap namin ng abogado patungkol sa bansa na ito at sa interim release ay mayroon pa ring cooperation ‘yong bansa doon sa appeal na ginawa nila para sa denial ng interim release,” pagtatapos ni VP Sara.
MAKI-BALITA: ‘Hanggang ngayon ayaw niyang gawin,’ VP Sara, bumuwelta kay PBBM na ituloy pagpapa-drug test
MAKI-BALITA: Zaldy Co, may kinalaman sa ‘laptop corruption scandal’ sa DepEd―VP Sara
Mc Vincent Mirabuna/Balita