December 13, 2025

Home BALITA

Mga estudyante, kabataan magkakasa ng kilos-protesta sa darating na Oktubre 17

Mga estudyante, kabataan magkakasa ng kilos-protesta sa darating na Oktubre 17
Photo courtesy: BALITA FILE PHOTO

Pangungunahan umano ng mga estudyante at kabataan ang nakatakdang kilos-protesta na kanilang isasagawa sa darating na Oktubre 17, 2025, sa iba’t ibang lugar sa Maynila.

Ayon sa naging panayam ng True FM sa organizer ng “Baha sa Luneta” protest at propesor na si Prof. David Michael San Juan nitong Miyerkules, Oktubre 15, sinabi niyang magtitipon-tipon umano ang mga estudyante at kabataan sa kahabaan ng Taft Avenue, Katipunan, at iba pa.

“‘Yong sa October 17, pinamumunuan ng mga kabataan at mga estudyante sa kahabaan ng Taft Avenue, Katipunan, at U-Belt at lahat ng mga estudyante pa na mapapasama natin mula sa iba’t ibang karatig probinsya ‘gaya ng Bulacan at Pampanga,” anang propesor.

“Ito ay para ipakita ang galit ng mga kabataan sa kinabukasan na ninanakaw ng mga korap na politiko,” pahabol pa niya.

Sen. Bato, masayang nakita ang apo

Pagpapatuloy ni San Juan, ang kabataan ang pinaka apektado dahil sa mga nangyayari umanong korupsyon sa bansa.

“Kasi ang magmamana naman ng Pilipinas, eventually, ang mga kabataan kaya ‘yong korupsyon, sila rin ang pinaka-apektado,” saad niya.

Inisa-isa rin ng propesor ang ilan sa mga hirap na nararanasan ng kabataan dahil umano sa mga kakulangan sa pagbibigay ng pondo sa edukasyon at serbisyong panlipunan.

“Alam nating lahat ‘yan. ‘Yong serbisyong panlipunan na nawawala, ‘yong budget para sa edukasyon na kulang na kulang, apektadong-apekto ang ating kabataan kaya pangugunahan nila ‘yong October 17 na kilos-protesta,” paliwanag niya.

“Para igiit ‘yong panawagan na lahat ng sangkot, dapat managot, at ikulong ang lahat ng dapat na ikulong na mandarambong,” pagtatapos ng propesor.

Samantala, ayon din kay San Juan, may nakatakda ring kilos-protesta na magaganap sa darating na Oktubre 21 sa pangunguna ng mga magsasaka at iba pang manggagawang sektor.

MAKI-BALITA: 1Sambayan, Trillion Peso, hinihikayat mga Pilipino magputi tuwing Biyernes kontra korapsyon

MAKI-BALITA: CBCP, hinimok ang publiko magsuot ng puti tuwing Linggo

Mc Vincent Mirabuna/Balita