Umabot sa 98% ng mga Pilipino ang naniniwalang talamak ang korapsyon sa pamahalaan batay sa pinakabagong survey ng Pulse Asia nitong Miyerkules, Oktubre 15, 2025.
Ayon sa nasabing survey na isinagawa noong Setyembre 27 hanggang Setyembre 30, nasa 98% ng mga Pinoy mula sa income classes A,B, C at E ang nagsabing malawak ang nagaganap na korapsyon sa gobyerno. Habang 97% naman mula sa income class D ang sumang-ayon din.
Kaugnay naman ng isyu ng korapsyon sa nakalipas na taon, 85% ng mga Pinoy ang naniniwalang mas tumaas ang anomalya sa gobyerno habang 12% naman ang nagsabing wala pa ring pinagbago ang lebel ng korapsyon.
Samantala, pagdating naman sa mga pili-piling ahensya at opisina na tumutugon sa isyu ng korapsyon sa maanomalyang flood control projects, nanguna ang sektor ng media at civil society organizations sa mga pinagkakatiwalaan ng taumbayan.
Umani ng 51% ang hanay ng media sa mga pinagkakatiwalaan ng taumbayan sa isyu ng flood control projects habang 50% naman ang naniniwala sa civil society organizations.
Nakakuha naman ng 39% ang Office of the Ombudsman bilang isa sa mga pinagkakatiwalaan pa rin ng mga Pinoy hinggil sa nasabing isyu. Sinundan naman ito ng Senado na mayroong 37% habang nakakuha rin ng “Big Trust” si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr at 25% sa Kamara.
Pinakamababa naman sa pinagkakatiwalaan ng taumbayan ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na may 23% at Department of Public Works and Highways (DWPH) na mayroon lamang 7%.
Ayon sa Pulse Asia nasa 1,200 ang bilang ng kanilang survey participants kung saan nasa edad 18 taong gulang pataas ang mga sumagot dito.