Binigyang-linaw ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang kahalagahan umano ng unprogrammed funds para sa mga mangyayaring hindi inaasahan ng gobyerno sa hinaharap.
Ayon sa naging panayam ng True FM kay Dy nitong Miyerkules, Oktubre 15, 2025, ipinaliwanag niyang “hindi nila maiiwasan” umano ang unprogrammed funds.
“Gusto namin, lahat nga nasa programmed na, e, bakit hindi para mas malinaw?” pagsisimula niya, “pero hindi namin maiwasan ‘yong unprogrammed [funds] kasi ito ‘yong mga hindi natin inaasahan kung mag-e-exceed ba tayo sa income na inaasahan natin for next year[...]”.
Pagpapatuloy pa ni Dy, may nakabinbin at hindi pa tapos na mga proyekto umano ang bansa halimbawa sa National Economic and Development Authority (NEDA), at mga parating na proyekto mula sa World Bank at Asia Development Bank.
“May mga nakabinbin kasi tayo. Katulad ng [mga] hindi pa tapos, like ‘yong approval ng NEDA [National Economic and Development Authority]. Mayroon tayong mga parating na proyekto galing sa World Bank o Asia Development Bank na kung saan [ay] hindi pa tapos ‘yong bicameral agreement natin,” anang House Speaker.
“So doon pa lang, mayroon na tayong tinatawag na unprogrammed. Pero ngayon, ‘yong mga unprogrammed natin, unlike noong araw, talagang malaki ‘yong lump-sum,” pahabol pa ni Dy.
Inihalimbawa rin ni Dy ang ilan sa mga lump-sum partikular sa trahedyang nangyari noon sa Marawi.
“Ngayon kasi, nakalaan sa mga iba’t iba nating department. Ang nakaka-lump-sum lang, actually, ‘yong nasa Marawi, Marawi Siege Victims Compensation Program. Doon lang naka-lump-sum kasi hindi pa po natin ma-identified ‘yong mga qualified beneficiaries[...]” pagtatapos ni Dy.
MAKI-BALITA: Malacañang, nanindigang hindi magiging pork barrel mga pondong nasa unprogrammed appropriations
Mc Vincent Mirabuna/Balita