Iginiit ng Commission on Human Rights (CHR) na hindi sasapat ang ₱1 milyon na confidential fund na inilaan sa ahensya sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP) kung tataas ang bilang ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao na nahaharap sa banta sa kanilang buhay.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance nitong Miyerkules, Oktubre 15, 2025, hinggil sa panukalang ₱1.297 bilyong pondo ng komisyon para sa susunod na taon, sinabi ni CHR Chairperson Richard Palpal-Latoc na kabilang sa kanilang “wish list” ang pagpapalawak at pagpapataas ng confidential fund sa ₱4 milyon.
“[May] 1 million.. Hindi siya kasya actually Your Honor. It’s a good thing that right now, there’s no persons at risk under the protection of the Commission on Human Rights. But in case the numbers surge, we would require more resources for that,” ani Palpal-Latoc.
Ipinaliwanag ni Palpal-Latoc na ang tinutukoy na persons at risk (PAR) ay mga biktima o pamilya ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao na maaaring may kinakaharap na mga banta dahil sa naturang mga paglabag.Aniya, “Sa ngayon wala kaming PAR na pinoprotektahan sa aming komisyon. But there are victims of course because of the cases being filed, their claims of violations. Pero ‘yung actual threats or imminent threats to the security, life, and safety of the victims or families of victims, sa ngayon po ay wala.”
“If there are PAR, we would be using these funds for [them],” giit ni Palpal-Latoc.
Paglilinaw pa niya, ginagamit umano ng CHR ang confidential fund hindi lamang sa pagtugon sa mga banta kundi sa pagkalap ng impormasyon at pakikipagdayalogo sa iba’t ibang sektor upang maisagawa ang mga programa at aktibidad na tumutugon sa mga isyung may kinalaman sa karapatang pantao.
Ayon kay Palpal-Latoc, humiling ang CHR ng kabuuang ₱2.190 bilyon para sa fiscal year 2026, ngunit ₱1.297 bilyon lamang ang inaprubahan sa NEP — mas mababa ng 40.76%. Noong 2025, ₱1.140 bilyon ang ibinigay sa CHR sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA).
Hiniling din ng komisyon na taasan ang pondo para sa programang pinansyal na tulong sa mga biktima at pamilya ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao — mula ₱16 milyon sa NEP tungo sa ₱51.810 milyon.
“In the previous years, we were constrained to reduce the amount from the original rate of P30,000 to P10,000 per victim or per case because we cannot sustain the program if we maintain the P30,000 threshold,” anang kalihim.
Sa kasagsagan ng pagdinig, tinanong ni Senador Sherwin Gatchalian, chairperson ng Senate finance committee, ang CHR tungkol sa layunin ng programang pinansyal na tulong, dahil mayroon na ring katulad na programa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ngunit depensa ng CHAR, “It’s a recognition, Your Honor, that there’s a violation of the rights of the victim. It’s sort of not a compensation, but more of a recognition, actually, a support of the victims.”