January 26, 2026

Home SHOWBIZ

Regine, galit na galit; 44% tax na binabayaran, wala raw siya mapakinabangan

Regine, galit na galit; 44% tax na binabayaran, wala raw siya mapakinabangan
Photo courtesy: Regine Velasquez-Alcasid/FB


Walang prenong nagpatutsada si Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid sa aniya’y pagpapahirap sa mga Pilipino, sa kabila ng buwis na binabayaran ng mga ito na napupunta lamang umano sa gobyerno.

Ibinahagi ni Regine sa kaniyang Instagram post noong Lunes, Oktubre 13, na noong siya ay bata pa, akala niya ay mahirap ang bansa, ngunit kabaligtaran umano ito ng kaniyang nakita.

“Nung bata ako ang akala ko mahirap ang Pilipinas hindi rin nakatulong na pinanganak akong mahirap. Pero ngayon na pagtantutantu ko hindi tayo mahirap!! Pinahihirapan tayo!!!” ani Regine.

“Ako po ay isang singer lamang na nagsumikap para maiahon ang aking pamilya sa hirap. Sa tulong ng ating Panginoon natulungan ko ang aking pamilya. Hangang ngayon ako ay nag tatrabaho ng marangal nag babayad ng wastong buwis," dagdag pa niya.

Isiniwalat din niya na halos kalahati ng kaniyang pinaghihirapan ay ibinabayad niya bilang buwis, ngunit wala naman daw siyang natatanggap na kahit anong benepisyo.

“Ang aking income tax ay nasa 32% plus meron po akong vat na 12%. 32+12=44% po ng pinaghirapan ko napupunta sa gobyerno pero wala akong nakukuha kahit anong benipisyo,” aniya.

“Hindi po ba dapat ipaglaban nating lahat na meron tayong proper health care?? Hindi ba dapat ipaglaban nating lahat na mabigyan ng magandang edukasyon ating mga anak. Matitinong infrastructure kasama pa dito ang ating siguridad. Bakit ako nagbabayad ng tax na halos 50% ng pinaghirapan ko tapos wala akong napakikinabangan sa ibinabayad ko??!!” saad pa niya.

Isiniwalat din ng Asia’s Songbird na sa kaniya umanong palagay, hinahayaan na lang daw ng gobyerno na isipin ng mga Pilipino na mahirap ang Pilipinas, upang hindi ito magreklamo sa kung ano man ang matanggap na tulong mula sa pamahalaan.

“Sa ibang bansa pag ganito kalaki ang tax may pension kang matatangap pag nag retire ka dito nganga. Hindi mahirap ang Pilipinas, sa aking palagay hinayaan nilang isipin nating mahirap ang bansa natin para hindi tayo magriklamo at para umasa na lang tayo sa mga barya barya nilang binibigay,” anang Asia’s Songbird.

“Pag nag bibigay sila ng ayuda kailangan nila ipamukha sa inyo na galing sa sarili nilang bulsa ang natatanggap nyo nakapaskil pa mga mukha nila sa isang salop na bigas,na para bang galing sa pinaghirapan nila ang ipinamimigay nila (palakpakan) I’m ranting again I know pero ang laki ng utang ng gobyerno sa mga Pilipino. Hindi tayo mahirap pinahihirapan tayo!!!!!” dagdag pa niya.

Ang mga hinaing na ito ni Regine ay mababasa sa kaniyang Instagram post, kalakip ang isang TikTok video na nagsasabing ang Pilipinas ay mayroong mga kagubatan, sakahan, mga bundok, at karagatan, na wala ang iba, ngunit ang bansa ay patuloy umanong naghihirap dahil sa korapsyon.

Photo courtesy: Regine Velasquez-Alcasid/IG

Matatandaang nagpasaring din si Regine kamakailan hinggil sa dahilan umano kung bakit hindi matapos-matapos ang korapsyon sa bansa.

“Hay hindi ko mapigilan ang sarili ko nagagalit talaga ako [...] Alam n’yo kung bakit hindi natatapos ang kurapsyon? Kasi walang consequences. Justice is selective,” paglalahad ni Regine.

MAKI-BALITA: Regine Velasquez, may sey bakit 'di natatapos korapsyon-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA