“Enough is enough. We will stand up for what is right in the city of Pasig.”
Tila nagpahaging si Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga opisyal sa mga barangay ng kanilang lungsod kaugnay sa “hindi” umanong maayos na kanilang ginagawa.
Ayon sa naging State of the City Address (SOCA) ni Sotto noong Lunes, Oktubre 13, 2025, nagawang ipagmalaki ng alkalde ang paglalatag umano nila ng pundasyon sa mabuting pamamahala sa lungsod ng Pasig.
“Kung mayroon po tayong maipagmamalaki bilang Pasigueño, ito po ay ‘yong nailatag na natin ‘yong mga pundasyon para sa mas mabuting pamamahala,” saad ni Sotto.
Pagpapatuloy ni Sotto, inaamin umano niyang nagtuon sila masyado para sa City Government ng nasabing lungsod at hindi masyadong natutukan ang kanilang mga Pamahalaang Barangay.
“Pero aaminin ko na sa paglilinis ng ating pamahalaan, naka-focus tayo sa ating City Government o lokal na Pamahalaan, Pamahalaang lungsod, hindi natin masyadong natutukan ang ating mga Pamahalaang Barangay,” anang akalde.
“Sana po pare-pareho po tayo na nagdurugo ang puso. Sana po pare-pareho tayo na inaasam-asam natin ang isang mas maayos na Pilipinas. H’wag tayong tumingin sa masyadong malayo, ayusin muna natin ang nasa bakuran natin. Ayusin muna natin kung ano ‘yong nasasakupan natin,” pagpapaliwanag pa niya.
Hinikayat naman ni Sotto ang mga opisyal sa mga barangay sa kanilang lungsod na ayusin ang kanilang pagseserbisyo.
“Hinihikayat ko ang ating mga barangay officials, mag-ayos-ayos naman po tayo. Hindi ko po nilalahat. Marami na akong nakitang mga barangay na maayos, maganda ang serbisyo.”
“Pero h’wag na rin tayong maglokohan. Marami sa mga opisyales natin sa barangay, alam na po natin kung ano ang ginagawa,” pagpapaalala niya.
Nilinaw rin ni Sotto na huwag daw magmamalaki sa kaniya ang ilang mga opisyal ng barangay na kadikit umano si Commission on Audit (COA) Commissioner Mario G. Lipana.
“H’wag kayong magmamalaki sa akin na malakas kayo kay COA Commissioner [Mario] Lipana. Gagawin natin kung ano ang tama sa lungsod ng Pasig,” ani Sotto.
“Akala ninyo hindi ko alam, ‘yong mga sinasabi ng iba, ‘sagot ako ni Commissioner dahil ‘yong tao niya, siya ‘yong nagpa-finance.’ O ‘wag na tayong magpatumpik-tumpik pa, ‘yong anak niya, nagpa-finance sa mga barangay at sa SKs,” pagtatapos pa niya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita