Nagbigay ng pahayag si dating House Speaker Martin Romualdez at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez kaugnay sa pagpapauwi kay Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Sa panayam ng media nitong Martes, Oktubre 14, nausisa si Romualdez kung dapat bang pabalikin si Co sa Pilipinas.
“All resource persons invited by the ICI are expected to return,” sagot ni Romualdez.
Matatandaang ayon sa Bureau of Immigration (BI) noong Oktubre 9, sinabi nilang wala pa rin umano sa Pilipinas si Co.
"Ang alam po natin, si (dating) congressman Co ay wala sa ating bansa. ‘Yun po ang nakikita natin sa checking ng recent travel record," pahayag ni BI deputy spokesperson Melvin Mabulac.
Maki-Balita: Zaldy Co, hindi pa rin nakakabalik sa Pilipinas—BI
Isa si Co sa mga mambabatas na idinidiin sa maanomalyang budget insertion at humingi umano ng kickback mula sa flood control projects.
Maki-Balita: Zaldy Co, nag-insert umano ng ₱35.24B mula 2022-2025
Pero bago pa man ito, pinangalanan na ng contractor na si Curlee Discaya ang kongresista bilang isa sa mga matataas na opisyal na nakakatanggap umano ng malaking porsyento mula sa halaga ng kontrata sa gobyerno.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang DPWH offcials, pumuporsyento sa mga Discaya para umano kina Romualdez at Co
Samantala, patuloy namang ipinahiwatig ni Romualdez ang pagiging inosente niya sa gitna ng alegasyong kinaharap.
Aniya, "It is evidence — not political noise or unfounded accusations — that will reveal what really happened.”
“My presence here reflects my commitment to state the truth and not allow politics to prevail," dugtong pa ng dating House Speaker.
Nauna nang sinabi ni Romualdez sa isang panayam nito ring Martes, Oktubre 14, na tutulong umano siya sa ICI sa pagpapabilis ng imbestigasyon sa katiwaliang nasa likod ng flood control projects.
Maki-Balita: Romualdez, tutulong sa ICI sa pagpapabilis ng imbestigasyon