Inamin mismo ni Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto na napansin umano ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagbagal ng growth rate sa koleksyon ng buwis mula sa taumbayan sanhi umano ng korapsyon.
Ayon sa naging pagdinig ng Committee on Finance sa Senado nitong Martes, Oktubre 14, 2025, tinanong ni Sen. Win Gatchalian si Recto kaugnay sa mga nakikita niyang “pagkadismaya” umano ng taumbayan sa mga nangyayari sa loob ng gobyerno.
“Mayroon bang epekto on taxpayer payments? Do you think it will affect people paying their taxes dahil maraming nadidismaya, madaming mga rally? Do you see any slow down in terms of paying taxes?” pagkukuwestiyon ng senador.
Sinang-ayunan naman ito ni Recto at sinabing nararamdaman umano ngayon ng BIR ang pagbagal ng pagkolekta nila ng buwis mula sa taumbayan.
“Yes. nararamdaman na ng BIR ‘yan,” panimula ni Recto, “medyo ‘yong growth rate ng collection nila, nababawasan ng konti. But so far, manageable naman lahat.”
Pagdurugtong naman ni Gatchalian, ayaw umano nilang mangyari na mawalan ng tiwala ang mga Pilipino sa Pamahalaan sa bansa.
“‘Yan din ang ayaw nating mangyari, ‘yong mawalan ng kumpiyansa ang taumbayan sa gobyerno. And the offshoot there is ‘yong iba magwi-withhold muna ng payments or ‘yong iba siguro baka magkaroon ng many times sa pag-iisipan bago magbayad,” ani Gatchalian.
Samantala, pinuri naman ni Gatchalian ang ahensya ng DOF sa hindi nila pagpapahintulot sa korapsyon.
“That’s why it’s important to fight corruption[...] and I commend the DOF for stating that the DOF will never tolerate corruption,” pagtatapos ng senador.
Mc Vincent Mirabuna/Balita