Nagbigay ng pahayag ang Malacañang kaugnay sa posibilidad na gawing state witness ng Department of Justice (DOJ) si dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.
Sa isinagawang press briefing nitong Martes, Oktubre 14, sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na nakadepende raw ito sa magiging salaysay ng kongresista.
“Depende po sa kaniyang magiging salaysay at kung ano po ang kaniyang mailalahad. At depende na rin po ‘yan sa Department of Justice (DOJ) kung siya pa ay maituturing na isa pang state witness,” saad ni Castro.
Dagdag pa niya, “Ito naman po ay irerekomenda sa Korte. So, lahat po ‘yan ay depende sa lahat ng mangyayari. So, hindi pa po natin masasabi kung siya ay puwedeng maging state witness o hindi.”
Matatandaang humarap na si Romualdez nito ring Martes sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay sa imbestigasyon sa katiwalian ng flood control projects.
Ayon sa kongresista, nakahanda umano siyang makipagtulungan upang mapabilis ang pagsisiyasat sa naturang kaso.
“I will be here to help in any way to speed up the resolution of the fact-finding investigation of the ICI,” aniya.
Maki-Balita: Romualdez, tutulong sa ICI sa pagpapabilis ng imbestigasyon
Isa si Romualdez sa mga mambabatas na pinangalanan ng kontraktor na si Curlee Discaya na tumanggap umano ng porsyento sa pondo ng mga kontrata sa maanomalyang flood control projects.