Nanindigan ang Palasyo na hindi magiging pork barrel ang pondong nasa unprogrammed appropriations, na siyang gagamitin umano bilang tugon sa tunay na pangangailangan ng mamamayang Pilipino.
Ibinahagi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Oktubre 14, ang sentimyento ng Palasyo hinggil sa umano’y pagsasabi ng oposisyon na ang pondong nasa unprogrammed appropriations ay tila ginagamit bilang pork barrel.
“Siguro po trabaho naman po talaga ng mga oposisyon na sila ay mag-object, kung sila ay may nakikitang mga isyu, pero, sa palagay po at sa tingin ng pamahalaan, at lalong-lalo na po ng DBM, sinasabi po natin ang budget lalong-lalo na po sa unprogrammed appropriations, ay kinakailangan po,” ani Usec. Castro.
“Lalong-lalo na po ito, hindi po ba nagkakaroon po tayo ng sinasabi nating magkakaroon ng pag-deplete ng funds ng NDRRM, dahil sa maraming nagiging kalamidad sa ngayon. Sa ngayon po kapag ka po nag-deplete ‘yan, at naubos na po ang contingent funds, diyan po naman kukuha sa unprogrammed appropriations, mula sa SAGIP,” dagdag pa niya.
Nanindigan din siyang iingatan umano ang budget at hindi naman daw ito agad-agad na ilalabas, upang mas maging maganda ang paggamit dito.
“Kaya po tandaan po natin, kahit ito po ay nasa unprogrammed appropriations, iingatan po ang budget na ‘to at hindi naman po agad ito mailalabas, para katakutan nila at sasabihing magiging pork barrel lamang,” saad ng palace press officer.
“Ngayon po sabi nga natin, ang Pangulo mismo ang nagpapaimbestiga patungkol dito sa mga maanomalyang paggamit ng pondo para sa flood control projects, mas lalo pong pag-iingatan ng Pangulo ang budget na ito para po mas maging maganda at hindi malustay ang pera kung saan-saan,” aniya pa.
Matatandaang lumusot na sa Kamara noong Lunes, Oktubre 13, ang proposed national budget para sa taong 2026 na aabot sa ₱6.793 trilyon, matapos maaprubahan ang House Bill (HB) No. 4058 sa ikatlo at huli nitong pagbasa.
Vincent Gutierrez/BALITA