December 13, 2025

Home BALITA National

'Kalma lang!' Palasyo, sinagot mga Pinoy na gigil nang may makulong sa korapsyon

'Kalma lang!' Palasyo, sinagot mga Pinoy na gigil nang may makulong sa korapsyon
Photo courtesy: RTVM/YT


Sinagot na ng Malacañang ang hinaing ng taumbayan hinggil sa mga umano’y may kinalaman sa malawakang korapsyon sa Pilipinas, partikular na ukol sa isyu ng anomalya at iregularidad ng ilang flood control projects sa bansa.

Ibinahagi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Oktubre 14, ang pahayag ng Palasyo ukol sa nasabing isyu.

“Kalma lang! Hindi po kasi ito nadadaan sa agad-agaran. Siguro bilang lawyer, na ako ay mismong humahawak ng mga kaso at ako po ay humaharap mismo sa Korte, kaya alam ko po kung paano ba magpresenta ng isang ebidensya,” ani Usec. Castro.

“Hindi po ito nadadaan sa pabilisan. At kung ito naman ay mapapabilis, napakaganda ng numero, maraming nasampa sa Korte, pero kalaunan, na-dismiss po lahat. Ano po ba ang mas hindi ninyo tatanggapin? Nakapagsampa ng maraming kaso pero na-dismiss po lahat, dahil hindi hinog at kulang ang ebidensya?” pagtatanong pa niya.

Inilahad din niyang hayaan na ng taumbayan ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sapagkat mayroon naman umano itong pangako hinggil sa pagsasampa ng kaso sa mga taong may kinalaman sa nasabing korapsyon.

“Hayaan po natin ang ICI na bumuo ng kanilang imbestigasyon at kumpletuhin ang dokumento. Ang pangako naman po nila, after a week, or rather week 4, ay makakapagsampa na sila ng mga kaso o makakapagrekomenda ng pagsampa ng kaso. Hayaan po lang natin silang makapag-ipon ng mga dokumento at ng mga ebidensya para po mas matibay ang mga kasong isasampa,” aniya.

“So, ‘yon lamang po sa taumbayan, huwag po kayong mainip, dahil sinimulan na po ito. Kung sabi nga natin, kung hindi ito sinimulan ng Pangulo, sino ang magsisimula? Kung hindi ang Pangulo ang nagsimula nitong pag-iimbestiga, sino pa kaya ang puwedeng mag-imbestiga?” dagdag pa niya.

Saad pa ni Usec. Castro, “Nasimulan na po ito, hintayin na lang po natin ang magandang magiging trabaho ng ICI, para po mas maganda din ang kalabasan at maging resulta nito.

”Matatandaang ilang personalidad na rin ang nagpahayag ng kanilang panawagan patungkol sa pagkakakulong ng mga taong nasa likod ng malawakang korapsyon sa flood control projects.

KAUGNAY NA BALITA: Nadine Lustre, Bianca Gonzalez, pinasaringan mga 'korap' na 'di pa rin nakukulong-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA